top of page

Nakilala ang mapapangasawa pero mas gusto ang ka-work

  • BULGAR
  • Jun 6, 2021
  • 1 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 06, 2021


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Donita ng Kuwait.


Dear Maestra,


Isa akong OFW sa Kuwait at limang taon na ako rito. Biyuda ako at naghahanap ng magiging partner ko habambuhay kapalit ng asawa kong namatay.


Halos araw-araw akong nananaginip. Minsan ay nagkakatotoo, pero kadalasan ay kabaligtaran ang kahulugan nito. Nais kong malaman ang kahulugan ng panaginip kagabi.


Napanaginipan kong natagpuan ko na ang magiging kabiyak ng aking buhay kapalit ng asawa kong namatay. Balak niya akong pakasalan pero parang ayaw ko sa kanya dahil mas mahal ko ‘yung kasamahan ko sa trabaho na nagpaparamdam sa akin, kaya lang, may girlfriend na siyang iba. Ano ang kahulugan nito?


Naghihintay,

Donita


Sa iyo, Donita,


Ang sabi mo ay biyuda ka na. Kapag ang isang biyuda ay nanaginip na siya’y mag-aasawa na, ito ay nagpapahiwatig na malapit ka nang mag-asawa ulit. Magiging masaya ka sa piling ng mapapangasawa mo at magiging masagana ang buhay n’yo.


Sa kabilang dako, ayon sa panaginip mo ay mas mahal mo ang kasamahan mo sa trabaho, ito’y nagpapahiwatig na hindi mo pinapansin ang mga nanliligaw sa iyo sa kasalukuyan. Hindi mo sila natitipuhan kaya iniisnab mo lang sila at binabasted ‘yung iba dahil sa pagiging makulit.


Gayunman, isa sa mga ‘yan ang nakatakda mong makasama habambuhay. Hindi ka na mangungulila sa gabi at makakapag-asawa ka na sa wakas. Darating na ang itinakda sa iyo ng tadhana. Ngayon pa lang ay binabati na kita, Donita. Sumaiyo nawa ang walang kahulilip na kaligayahan at kasaganaan sa piling ng iyong magiging kabiyak ng buhay.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page