top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Nakikinabang sa pangongotong, tuluyan!

BULGAR
Nov 15, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 15, 2022


Sa kulungan ang bagsak ng dalawang dating tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos mahuli sa akto na nanghuhuli at nangongotong sa mga motorista sa Pandacan, Maynila.


Base sa ulat ng Manila Police District-Special Mayors React Team (SMaRT), alas-3:00 ng madaling-araw nang magkasa ng operasyon ang Special Operations Group ng MTPB sa may Quirino Avenue sa Pandacan bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa mga dati nilang tauhan na nagpapanggap na traffic enforcers at nangongotong sa mga motorista.


Gayunman, nabatid na parehong dating miyembro ng MTPB ang mga suspek na nasibak sa trabaho dahil sa mga kaso ng pangongotong.


Nakasuot pa umano ng uniporme ng MTPB ang dalawang suspek nang mahuli sa akto, ngunit hindi makapagbigay ng ID at mission order ang dalawa, kaya dinakip ang mga ito at isinuko sa MPD-SMaRT.


Sasampahan ang mga ito ng kasong paglabag sa Usurpation of Authority of Official Functions and Illegal Use of Uniform and Insignia.


Sa totoo lang, hindi na bago ang pangongotong sa mga motorista at kahit matagal nang isyu ito, ang problema, imbes na mawala ay dumarami pa sila.


Maituturing itong korupsyon, kaya panawagan natin sa mga kinauukulan, paigtingin ang operasyon laban sa pangongotong dahil walang lugar sa gobyerno ang mga korup na tauhan.


Nakadidismaya dahil sa gawaing ito ay nadadamay ang mga tauhang maayos na nagtatrabaho at imbes na pagkatiwalaan ng taumbayan, nadurungisan ang kanilang imahe.


Gayunman, umaasa tayong magsisilbing babala ang insidenteng ito sa mga patuloy na nangongotong.


Bukod sa pagpapaigting ng operasyon, hangad nating patawan ng mabigat na parusa ang mahuhuling nangongotong. Panahon na para matigil ang ganitong gawain at mapanagot ang mga dapat managot.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page