Nakatingin sa ginagawang building, nahilo at nasuka sa amoy ng pintura
- BULGAR
- Nov 25, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | November 25, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dezziree ng Hong Kong.
Dear Maestra,
Nandito ako ngayon sa Hong Kong at labis akong nagpapasalamat dahil nakakarating dito ang BULGAR sa kagandahang-loob ng isa naming kasamahan. Tagahanga ako ng column ninyo at nais kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko.
Napanaginipan ko na nakatayo ako sa isang street dito at pinagmamasdan ang malaking building na ginagawa. Pinipinturahan ito ng iba’t ibang kulay at hanggang sa kinatatayuan ko ay naaamoy ko ‘yung pintura, tapos bigla akong nagsuka at nahilo.
Mabuti na lang, may nakapansin sa akin at ako ay kanyang inalalayan at pinaypayan.
Ano ang kahulugan ng panaginip ko?
Naghihintay,
Dezziree
Sa iyo, Dezziree,
Depende sa building kung ano ang magiging kahulugan nito. Kung bago pa lang ang ginagawang building, ito ay nangangahulugan na lilipat ka ng bagong employer. Ito rin ay nagpapahiwatig na may naiisip kang bagong negosyo. Gusto mong mag-umpisa ng isang maliit na negosyo na puwede mong gawing sideline. Kung personal namang buhay ang pag-uusapan, magiging maganda at maayos ang relasyon mo sa iyong pamilya. Sasagana kayo at lalo pang uunlad ang inyong kabuhayan.
Samantala, ang sabi mo ay nahilo at nasuka ka nang maamoy ang pintura, ito ay nangangahulugang ang mga plano mo ay maaaring magkaroon ng mga pagbabago.
Maging maingat ka sa pagpapasya, huwag sugod nang sugod sa mga balak mong gawin.
Mag-isip ka muna nang mabuti upang hindi mapurnada ang mga plano mo.
Matapat nacsumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna



Comments