Nakatakda sa kapalaran na maging tambay, makapag-a-abroad din
- BULGAR
- Nov 4, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 4, 2021

KATANUNGAN
Tawagin n’yo na lang akong Alfred. Kaka-graduate ko lang ng Electrical Engineering, pero mag-iisang taon na ang nakaraan at hanggang ngayon ay hindi pa ako natatanggap sa trabaho.
Marami na akong na-apply-an, pero dahil siguro natapat sa pandemic, hanggang ngayon ay hindi pa rin ko tinatawagan. Gusto kong malaman kung kailan ako magkakatrabaho. Ano ba ang kulay ng damit na dapat kong isuot kapag ako ay nag-a-apply upang madali akong suwertehin at matanggap?
Gayundin, nais kong malaman kung may maganda ba akong Travel Line kung sakaling sa abroad ko naman susubukang mag-apply? Kung may Travel Line sa aking palad, kailan kaya ito mangyayari?
KASAGUTAN
Saglit na huminto ang FateLine, na tinatawag din nating Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na isang taon ka mababakante at pagkatapos nito, makakaroon ka ulit ng career o trabaho. Ibig sabihin, kung mag-iisang taon ka nang walang trabaho o mahigit pa, siguradong sa susunod na taong 2022 ay makapagtatrabaho ka na at ito ay posibleng maganap sa buwan ng Marso o Agosto.
Gayunman, ang paglutang ng maayos at maganda ring Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad ay nagsasabi namang, isa hanggang dalawang taon ka lang magtatrabaho sa local companies at pagkatapos nito, kusa nang darating sa kapalaran mo ang pangingibang-bansa.
Dahil may malinaw at maganda kang Travel Line (t-t arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, tulad ng naipaliwanag na, matapos kang magtrabaho sa ating bansa, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang sadyang inilaan na sa iyo ng tadhana.
MGA DAPAT GAWIN
Upang mas madali kang matanggap sa mga ina-apply-an mong trabaho, suweto at suwerte sa iyo ang kulay na pula at dilaw, habang puwede rin ang itim at puti.
Ayon sa iyong mga datos, Alfred, tiyak na ang magaganap, hindi ka dapat mainip dahil sa susunod na taong 2022, sa buwan ng Marso, sa isang kumpanya na dati mo nang in-apply-an ang tatawag sa iyo, maiinterbyu ka at pagkatapos ay makapagsisimula ka na agad sa trabaho na may kaugnayan sa pagiging engineer o sa natapos mong kurso.
Lilipas ang isa hanggang dalawang taon, sa 2024, isang magandang oportunidad naman sa pangingibang-bansa ang kusang itatala sa iyong kapalaran at sa nasabing pag-a-abroad, may pangako ng mas mabunga at mabiyayang karanasan habambuhay.
Comments