top of page

Nakapagpundar ng mga bahay at negosyo… Pinaka-rich na pulubi sa buong mundo, may P50M

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 17, 2023
  • 2 min read

Updated: Jul 19, 2023

ni Jenny Rose Albason @Life & Style | July 17, 2023


ree

Magkano pa ang laman ng wallet mo? May natira pa ba sa suweldo o literal na dumaan lang sa kamay dahil napunta na sa mga bayarin at pinagkakautangan?


Well, kung ang iba ay nagkakandakuba na sa pagtatrabaho pero mahirap pa rin, iba naman ang diskarte ng isang mister sa bansang India.


Sino'ng mag-aakala na sa kanyang pamamalimos ay puwede siyang maging milyonaryo at makapagpundar ng mga bahay, negosyo, at makapagpaaral ng mga anak?


Ang ating tinutukoy ay si Bharat Jain, naninirahan sa Mumbai, India, na ayon sa report ng Economic Times ay tinaguriang "World's Richest Beggar".


Si Jain ay hindi pormal na nakapag-aral dahil sa kahirapan, at sa ngayon ay mayroon siyang asawa at dalawang anak na lalaki. Kasama rin niya ang kanyang ama at kapatid.


Sa pamamagitan ng pamamalimos sa lansangan ng Mumbai, si Jain ay kumikita ng 60,000 hanggang 75,000 rupees o katumbas ng P39,000 hanggang P49,000 buwan-buwan o mahigit P1,500 kada araw.


Ang kanyang 10 hanggang 12 oras na pamamalimos araw-araw ay nagbunga ng two-bedroom flat na nagkakahalaga ng P7.9 million at dalawang stationary store na inuupahan niya nang P19,900 kada buwan.


Sa kabila ng yaman, patuloy na namamalimos si Jain, kahit pa pinatitigil na siya ng pamilya. Kaya kinikilala ngayon si Jain na pinakamayamang pulubi sa buong mundo. Kung saan, tinatayang nasa halos P50 milyon na ang net worth nito.


Masasabing kakaiba o nakakagulat ang istilo ni Jain para kumita ng pera, malamang may mapapa-"sana all" pa, pero tiyak may mga magtataas din ng kilay.


Babala naman sa mga nagbabalak na mamalimos dahil na-inspire kay Jain, labag 'yan sa batas ng 'Pinas. Mayroon tayong "Presidential Decree No. 1563 o Anti-Mendicancy Law", na mahigpit na ipinagbabawal ang pamamalimos at magpalimos, puwedeng makulong.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page