Nakakalbong kagubatan at bilang na puno sa siyudad, kaya pang tugunan
- BULGAR

- Aug 28, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | August 28, 2020
Pasado na sa Kamara ang dalawang panukalang-batas para sa reforestation efforts ng gobyerno na mag-oobliga sa mga estudyante at mga magulang na magtanim ng mas maraming puno.
Noong Agosto 26, Miyerkules, kinumpirma ng Kamara na pasado na ang House Bills 6930 at 6931 para itakda ang mga sumusunod na civic duties para sa environmental protection at preservation.
Sa ilalim ng House Bill 6930, oobligahing magtanim ng dalawang puno ang mga magulang kada isang anak na palalakihin at kapag naging ganap na batas, tatawagin itong Family Tree Planting Act. Halos ganito rin ang laman ng House Bill 6931 na tumutugon naman sa responsibilidad ng kabataan sa pagtatanim ng puno. Alinsunod sa panukala, required na magtanim ng dalawang puno ang bawat senior high school at college graduating student. Oras na maging batas, ito naman ay tatawaging Graduation Legacy for Restoration Act.
Samantala, umani naman ito ng positibong tugon sa publiko, ngunit may agam-agam ang ilan hinggil sa magiging epekto nito. Anila, kailangang itigil ang pagtatanim ng “invasive species” o mga halamang hindi natural na matatagpuan sa isang ecosystem.
Kahit maganda umano ang intensiyon, mayroon itong masamang epekto sa kalikasan, ekonomiya at maging sa kalusugan ng tao.
Nakatutuwa dahil sa gitna ng pandemya, mahalagang matutukan din ang iba pang mga isyu o usapin.
Gayunman, hiling natin na sana’y magpatupad din ng batas upang mapigilan ang ilegal na pagputol ng puno. Balewala kasi kung tanim nang tanim ang publiko, pero nar’yan naman ang mga nagpuputol ng puno.
Sa mga nakalipas na panahon, naramdaman natin ang epekto ng pamumuhay sa paligid na maraming puno. Nakakarelaks at malaking tulong ‘pag tag-ulan, gayundin, mayroon tayong masisilungan ‘pag tag-init.
Bagama’t kapansin-pansin ang pagkakalbo ng mga kagubatan at ang mga puno sa siyudad ay iilan na lang, hindi pa huli ang lahat para magtanim at tugunan ang bagay na ito.
Hangad natin na maging ganap na batas ang mga ito dahil sa malaking pakinabang nito, hindi lamang sa kapaligiran kundi pati sa mga susunod pang henerasyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com6





Comments