Nakahanap ng minahan ng diamond
- BULGAR
- Jun 22, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 22, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Ben ng Meycauayan, Bulacan.
Dear Maestra,
Napakaganda ng inyong column. Isa ako sa mga tagasubaybay n’yo.
Buy and sell ng mga alahas ang pinagkakakitaan ko at madalas akong managinip ng diamond. Napanaginipan ko na nakatagpo ako ng minahan ng diamond. Tuwang-tuwa ako at nasabi ko sa sarili ko na “Mayaman na ako,” paulit-ulit ko itong ibinubulong sa sarili ko. Noong isang gabi naman, napanaginipan ko na may nagbigay sa akin ng diamond. Ano ang ibig ipahiwatig ng panaginip ko?
Naghihintay,
Ben
Sa iyo, Ben,
Maraming salamat sa pagsubaybay mo sa column ko. Sana ay hindi ka magsawang basahin ito at nawa’y makatulong ang pag-aanalisa ko ng mga panaginip sa pang-araw-araw mong pamumuhay.
Ang ibig sabihin ng nakatagpo ka ng mina ng diamond ay dapat kang mag-ingat sa mga taong nakapaligid sa iyo. Nagbababala ito na may parating na gulo sa buhay mo o warning of troubles. Kaya ngayon pa lang, ibayong pag-iingat ang dapat mong gawin. Maging kalmado at mahinahon ka lang upang hindi mapasubo sa nagbabantang gulo sa buhay mo. Halos ganundin ang kahulugan ng may nagbigay sa iyo ng diamond. May isa kang kaibigan na akala mo ay mabait, pero may binabalak palang masama sa iyo. Huwag kang masyadong magtiwala sa mga kaibigan at talasan mo ang iyong pakiramdam. Muli, ibayong pag-iingat ang dapat mong gawin.
Mabuti na ang nag-iingat hangga’t maaga kaysa mapahamak ka nang walang kalaban-laban.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrella de Luna







Comments