ni Ryan Sison @Boses | September 16, 2024
Siguradong magiging mas maganda at pang-world-class na ang ating airport sa susunod na mga buwan. Opisyal na kasing sinimulan ang rehabilitasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sa ilalim ng pamamahala at bagong operator nito, ang New NAIA Infra Corp. (NNIC) na naatasan para gawing moderno ang 76-anyos na gateway.
Ang NNIC, ang consortium na kinabibilangan ng San Miguel Corporation at Incheon International Airport Corporation ng South Korea, ay nangakong gumastos ng P170 bilyon para maisakatuparan ang kanilang napakagandang plano upang maiangat sa world-class standards ang NAIA.
Kabilang dito ang mga planong dagdagan ang passenger capacity mula 43 milyon hanggang 62 milyon taun-taon at ang air traffic movements mula 42 hanggang 48 kada oras.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), inaasahan nilang makakabuo ng ‘hindi bababa sa 58,000 trabaho’ ang NAIA rehabilitation.
Humingi naman ng pang-unawa sa publiko si NNIC Chairman Ramon S. Ang na aniya, kakailanganin nito ng mahabang oras, subalit pagsisikapan nilang gumawa ng mas mabilis para sa pagpapabuti ng airport sa loob ng unang tatlo hanggang anim na buwan.
Naninindigan naman ang pamahalaan na makakukuha ng humigit-kumulang P1 trillion sa revenues mula sa public-private partnership sa loob ng 25-taong concession period, kabilang ang 82.16-percent revenue share na maire-remit sa gobyerno taun-taon.
Sa mga travelers, asahan pa rin ang mga negosyo gaya ng dati na may mga flight, check-in, at iba pang mga serbisyo na nagpapatuloy nang normal.
Kasama rin sa plano para sa modernisasyon ng NAIA, ang mga terminal reassignment at infrastructure upgrades na ipatutupad nang unti-unti sa mga darating na buwan at taon.
Tiniyak naman ng NNIC sa publiko na magiging maayos ang transition, kung saan walang magiging abala sa mga operasyon ng airport.
Sa wakas, mabubura na rin ang pangit na imahe ng NAIA bilang isa sa pinakamasama at ‘pinaka-stressful’ sa mundo na paliparan dahil sa mga report na ang mga upuan ay puno ng insekto gaya ng surot, may mga nakikitang dagang naglalakad, suliranin sa air traffic at mga sirang airconditioning system.
Sa tagal o tanda ba naman ng naturang airport ay talagang aabutin na ng katakut-takot na mga problema.
At dahil nagsimula na ang rehabilitasyon nito, tiyak na functional na ang mga escalator at banyo, magiging stable ang kuryente at tubig, mas mahusay ang airconditioning, upgraded ang paghawak ng baggage ng mga pasahero, mas maraming maayos na upuan at siyempre mahusay na rin ang WiFi.
Kumbaga, hindi na matatawag na ‘dugyot’ na paliparan dahil gagawing world-class na ang ating airport na puwede na rin nating maipagmalaki.
Sana ay magpatuloy lang ang magagandang proyekto at programa ng kinauukulan para sa ikabubuti ng mga mamamayan at ikauunlad ng bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments