NAIA, hindi na natututo sa mga pagkakamali
ni Ryan Sison @Boses | May 3, 2023
Isa na namang power outage na humantong sa pagkansela ng mga flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kinumpirma ng Manila International Airport Authority (MIAA) na ang pagkawala ng kuryente sa NAIA Terminal 3 noong Lunes ng umaga ay humantong sa pagbawas ng operasyon at pagkaantala ng mga flight.
Kaya naman inanunsyo ng Cebu Pacific ang pagkansela ng maraming flight, habang ang Air Asia Philippines ay nagsabi na ang mga international at domestic flights ay kailangang i-reschedule.
Ayon kay Sen. Grace Poe, matapos ang mga pagdinig noong Marso, ang pagkawala ng kuryente noong Enero 1 na nag-iwan sa Philippine airspace ng walang anumang flight sa loob ng ilang oras sa Araw ng Bagong Taon ay dahil sa kawalan ng aksyon at kawalan ng foresight ng CAAP at Department of Transportation (DOTr).
Tinawag ni Poe ang outage na isang nakakagambalang pagkabigo ng mga sistema ng paliparan na nagdudulot ng matinding abala para sa mga travelers, at binigyang-diin na tila hindi na natuto ang DOTr at NAIA mula sa naunang aberya.
Sa isang briefing, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na humingi na ng tulong ang ahensya sa National Intelligence Coordinating Agency sa pag-iimbestiga sa outage.
Sinabi ng MIAA nitong Lunes, ang mga tauhan ng operasyon nito ay umiikot sa Terminal 3 upang magbigay ng tulong at upang sagutin ang mga katanungan sa pagkawala ng kuryente at sa mga flights.
Sa totoo lang, malaking gambala ito para sa mga may flight noong Labor Day, marami ang mga magbabakasyon at balak umuwi sa kanilang pamilya.
Kabi-kabila ang mga isyu na nangyayari sa NAIA nitong mga nakaraang buwan, mula sa mga nakawan at ngayon ay pagkawala naman ng kuryente.
Hindi na natuto ang NAIA sa mga pagkakamaling nagawa nila at patuloy pa rin ang mga aberya na nangyayari sa paliparan.
Gawan na sana ng paraan ang mga aberyang nangyayari rito upang hindi na maulit at maantala ang mga pasahero.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments