Nahulog sa kanal, babala na mawawalan ng ari-arian
- BULGAR
- Jun 19, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 19, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Edward ng Batanes,
Dear Maestra,
Mayroon kaming sakahan. Ipinauubaya namin ang pagtatanim ng palay sa aming kasama at tagabantay sa bukid. Namamasukan kasi ako sa kumpanyang malapit dito sa lugar
namin. May tanim kaming palay, pero dahil madalas bumagyo, nasisira ang aming pananim at halos wala na kaming anihin. Dahil dito, ipinagbili na namin ang aming bukid.
Madalas kong mapanaginipan na ako mismo ang nagsasaka sa bukid namin, gayung ito ay ipinagbili na namin. Minsan ay binisita ko ang tanim na palay. Sa paglalakad ko sa pilapil, nadulas ako at nahulog sa kanal malapit sa sinasaka kong bukid. Mabuti at mababaw lang ang kanal kaya hindi ako gaanong nasaktan. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Edward
Sa iyo, Edward,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na ikaw mismo ang nagsasaka sa bukid n’yo kahit ito ay ipinagbili n’yo na ay may kaugnayan sa iyong kalusugan. May malusog kang pangangatawan, subalit sa hindi inaasahang pangyayari, bigla kang dadapuan ng karamdaman. Gayunman, huwag kang mag-alala dahil hindi naman magiging malubha ang sakit mo. Gagaling ka at muling sisigla ang iyong katawan.
‘Yun namang nahulog ka sa kanal, nagbababala ito na mawawalan ka ng ari-arian. Kung ikaw ay namamasukan, nagpapahiwatig ito na hindi mo makakamit ang promotion na inaasam-asam mo. Sa halip, tatanggalin ka pa sa trabaho dahil sa pagkalugi ng kumpanyang pinaglilingkuran mo. Maging matatag ka at huwag agad susuko sa darating na mga problema. Ang buhay ay sadyang ganyan, minsan nasa ibabaw, minsan ay nasa ilalim naman.
Panalangin ang solusyon. Tumawag ka palagi sa Diyos at huwag makakalimot magdasal. Sa ganyang paraan, lahat ng pagsubok sa iyong buhay ay tiyak na iyong malalagpasan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments