Nahaharap man sa pandemya at apektado ng kalamidad…
- BULGAR

- Dec 2, 2020
- 3 min read
Mga karanasan ng BULGAR ngayong ika-29 anibersaryo
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 2, 2020

2-too sa damdamin ko kung paano ba uumpisahan sa masaya at maluwalhating pagbati ng Maligayang ika-29 na Anibersaryo ng BULGAR.
9-na buwan kasi ang nakalipas, noong kalagitnaan ng Marso18, nagsimulang mag-lockdown ang bansa nang pumutok ang pandemya ng COVID-19.
T-aal Volcano muna sa Batangas noong Enero ang sumabog at ito ay humagupit sa maraming bayan sa Silangang bahagi ng Luzon at karatig-bayan ng Metro Manila.
H-alos hindi pa nakakabangon ang Pinoy sa pagtabon ng makakapal na abo sa malalapit na bayan ng Taal, pumasok ang nakamamatay na COVID-19 pandemic sa bansa.
N-atakot ang sambayanang Pilipino, parang katapusan na ng lahat dahil magkasunod na dagok ang dumating. Hindi lang ang buong mundo ang nangamba bunga ng nakamamatay na COVID-19 na kumitil na sa 8,215 sa ‘Pinas at may lampas na 430,000 ang may aktibong kaso hanggang ngayon.
A-lumpihit ang gobyerno sa magkabilang gampanin na dapat itulong at iayuda sa lahat ng nangangailangan ng serbisyo maging sa mga nawalan ng tirahan at sa mga nagkakasakit sa ospital. Una pang biktima ang frontliners, mga doktor at nurses na marami ang nasasawi dahil sa malubhang sakit dulot ng virus.
A-ng mga tagapaghatid-balita tulad ng pahayagang BULGAR ay dumanas ng dalawang buwan at kalahating walang imprentang diyaryo, mula Marso 17 hanggang Mayo 31. Dahilan sa malawakang lockdown sa paligid ng opisina, gusali at planta bunga ng mataas na kaso ng COVID-19. Upang maproteksiyunan na rin ang kaligtasan ng mga bumubuo ng tabloid, karamihan ay nag-work-from-home, bitbit ang mga computer at laptop upang makapagpatuloy sa adhikain na makapaghatid pa rin ng mga balita at kumpletong impormasyon na mailalathala.
N-agpatuloy kami sa paglalabas ng mga news, mga lathalaing magpapalimot pasumandali sa isipan ng tao ang panganib na dulot ng pandemya. Hindi bumitaw ang masugid naming mga tagatangkilik para sa iba pang mga updated na impormasyon hinggil sa pananalasa ng COVID-19 pero sa BULGAR online nila pansamantalang natunghayan. Dahil wala kaming diyaryo sa mga bangketa, walang delivery at tanging sa mga telebisyon, computer at cellphone lamang sumasagap ang mamamayan ng mga balita, bawal lumabas, mahigpit ang batas sa pagsusuot ng facemask at face shield, paghuhugas ng mga kamay at paggamit ng alkohol upang hindi mahawahan ng pandemya sa paglabas ng bahay ang ating mga suki.
I-sama pa ang matinding tsismis na dahil walang imprenta ay ibinebenta na diumano ang pahayagang ito na pinabulaanan naman ng aming butihing Publisher kung kaya nagpalabas ng statement sa Facebook, Instagram, Twitter at page ng BULGAR na kami ay Not For Sale.
B-iruin ninyong sa gitna pa ng pandemya at wala kami sa bangketa ay may lumitaw pang pekeng diyaryo ng BULGAR na ikinabulabog ng mga tagasubaybay nating netizens, kaya muling nagpalabas ang aming Publisher ng statement na walang BULGAR 2020, na nangopya sa mukha ng logo ng national newspaper na ito upang makapanlinlang ng mga suki naming mambabasa.
E-wan kung bakit sa kabila ng pagsubok na dumating sa bansa ay nagawa pa ng ibang mapagsamantala na lokohin ang taumbayan, hindi lang sa mga produkto kundi sa paghahatid balita.
R-umatsada naman nitong unang bahagi ng Nobyembre habang abala ang bansa sa pagpapababa ng kaso ng COVID-19 ang mga bagyo, dumating ang isang super typhoon na si ‘Ulysses’ na muling nangwasak ng mga ari-arian, siyudad na pinalubog sa baha, mga lupain na winasiwas ng mga rumaragasang tubig baha.
S-inundan pa ito ng paglubog ng halos buong lalawigan ng Cagayan at Isabela dahil nagpakawala ng tubig ang Magat Dam, daan-libong katao ang napinsala, daang-milyon ang halaga ng nasirang mga imprastruktura at mga pananim.
A-ng pangit ng 2020 na ito para sa buhay ng tao sa buong mundo. Ang trahedya na hindi natin inaasahang isang beses lang mangyayari sa buong isang taon ay sinalo na yatang lahat ng 2020, pagsabog ng bulkan, pandemic at bagyo na pawang kamalasan ang idinulot sa mga Pilipino.
R-oad to recovery ang huling buwan na ito ng Disyembre. Dumapa man tayong lahat sa hirap, sama-sama pa rin tayong babangon para sa tunay na two-nine na pagtutulungan at bayanihan ng Pilipino.
Y-ear of ‘new normal’ na nga ang pagpasok ng 2021 dahil ang dati nating mga kinagawian sa bawat isa, kinagisnang gawain, mga tradisyonal na pamamaraan na okasyon ay nag-iba na.
O-ras na pumasok ang 2021, mananatili sa puso, isipan at damdamin ng bawat masayahing Pinoy ang sama-samang pagbangon, kaisa ninyo sa laban ang BULGAR!








Comments