ni Julie Bonifacio @Winner | August 20, 2024
Isiniwalat na ng singer-actor na si Gerald Santos ang masamang karanasan niya noong teen-ager pa lang siya at talent ng GMA-7 sa kanyang pagharap sa Senado kahapon.
Ibinulgar ni Gerald ang ilang detalye sa nangyari sa kanya noong 2005 sa ginanap na Senate hearing ng komite sa Public Information and Mass Media na siyang nag-iimbestiga ng nagaganap na sexual harassment sa entertainment industry.
Pahayag ni Gerald sa Senate hearing, “Ako po ay ‘di po na-harass, ‘di po na-abuse. Ako po ay na-rape po. I was only 15 years old at that time, so wala po talaga akong lakas ng loob nu’ng nangyari.”
Ayon kay Gerald, isang musical director sa GMA-7 ang nang-rape sa kanya. Ipinaalam daw niya ito sa top brass ng Kapuso Network at napaalis din nila ang naturang musical director.
Pero “napag-initan” na rin daw si Gerald ng ibang executives sa Kapuso Network at ‘di na siya nakatanggap ng proyekto.
May mga kaibigan daw kasing executives ang musical director sa GMA-7. Dahil dito, si Gerald na ang nagdesisyong kumalas sa kanyang mother studio.
Thirty-three years old na si Gerald ngayon. Pero sabi ng abogado na present sa Senate hearing, puwede pa rin daw maghain ng kaso sa korte ang isang na-rape even up to 20 years.
May ibang rape case rin na dininig sa korte after 25 years, especially kung minor ‘yung na-rape, gaya ni Gerald.
“For 19 years, itinago ko lamang po ito dahil sa takot ko nga po sa kahihiyan. Hiyang-hiya po talaga ako lalo na nu’ng panahon na ‘yun. ‘Yung mga nandoon po sa loob, parang dini-dismiss lang po nila ‘yung sinabi ko. Sabi, 'Mag-move on ka na lang kasi kalakaran ‘yan dito,'” salaysay pa ni Gerald.
Samantala, naghain na rin ng reklamo ng panggagahasa ang anak ni Niño Muhlach na si Sandro Muhlach sa Department of Justice kontra sa dalawang GMA contractors.
Sey ni Niño na kasama ni Sandro na nag-file ng complaint sa court, “Finally, umabot na kami sa araw na ito na we’re finally filing a case and onwards. Siyempre, magkakaroon na ng mga court hearing and siguro soon, makakamit din namin ‘yung justice, which Sandro deserves.”
Nakaramdam daw si Niño ng pagkaluwag sa dibdib after nilang makapag-file ng complaint sa DOJ.
“Mabigat kasi nakikita mo ‘yung anak mo araw-araw na nagsa-suffer, ‘di makakain, ‘di makatulog,” emote pa ni Niño Muhlach.
EXCITED na ang madlang pipol for this year’s Magpasikat 2024 ng It’s Showtime (IS). Na-announce na kasi kahapon ang magkakakampi sa bawat grupo.
Mag-uumpisa sa Lunes na mag-perform sa Magpasikat 2024 ang grupo ni Vice Ganda, kasama sina Karylle at Ryan Bang.
Ang team naman nina Ogie Alcasid, Kim Chiu, MC and Lassy ang magpe-perform sa Martes. Susundan ito nina Vhong Navarro, Amy Perez, Darren Espanto and Ion Perez sa Miyerkules.
Habang sina Anne Curtis, Jugs Jugueta at Teddy Corpuz will be performing on Thursday. At ang huling magpe-perform ay ang grupo nina Jhong Hilario, Jackie Gonzaga and Cianne Dominguez.
Sey ni Vice sa IS, “Ine-embrace na namin ‘yung Monday at sisiguraduhin namin na kakabahan ang mga susunod.”
Nanalo sa Magpasikat 2023 ang grupo nina Jhong, Kim at Amy.
Pinasalamatan naman ni Vice ang Showtime Online U hosts na nag-opening number sa IS kahapon.
Ang hosts ng Showtime Online U ay sina Wize Estabillo, AC Soriano, Nicki Morena, Lorraine Galvez, JM dela Cerna, Marielle Montillano, Anthony Castillo, Anne Tenorio, Jannah Alanise, and Mackie Empuerto.
Ang IS ay napapanood every 12:00 noon sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, GMA, GTV, ABS-CBN Entertainment YouTube (YT) channel and Facebook (FB) page, iWantTFC, TFC, and GMA Pinoy TV.
Comments