Nagkampeon ang Iceland vs. Ph sa 2023 Pinatar Cup
- BULGAR

- Feb 23, 2023
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 23, 2023

Ginawa ng Iceland ang nararapat at dinurog ang Philippine Women’s Football National Team, 5-0, at tanghaling kampeon ng 2023 Pinatar Cup sa Pinatar Arena ng Murcia, Espanya Miyerkules ng madaling araw, oras sa Pilipinas. Tinapos ng Filipinas ang torneo na walang panalo para sa ika-apat at huling puwesto subalit nag-uwi ng maraming aral na magagamit sa mas malaking laban.
Lumaban ng sabayan ang mga Pinay hanggang nakuha ng Iceland ang maagang pambungad na goal kay Amanda Andradottir sa ika-20 minuto. Nanatiling matibay ang depensa ng Filipinas subalit bigla itong gumuho pagsapit ng second half.
Lumitaw ang kalidad ng Iceland na ika-16 sa FIFA World Ranking kung ihahambing sa ika-53 Filipinas. Ang Iceland din ang pangalawang pinakamataas na bansa na hindi nakapasok sa 2023 World Cup sa likod lang ng ika-10 Hilagang Korea.
Bumanat ng pangalawang goal si Andradottir sa ika-51 subalit pumalag pa rin ang Filipinas. Tuluyang bumigay ang mga Pinay at nagsunuran ang mga goal nina Selma Magnusdottir (71’), Hlin Eiriksdottir (80’) at Alexandra Johannsdottir (93’).
Sa naunang laro, lumaban sa 1-1 tabla ang Scotland at Wales kaya kinailangan ng Iceland na magwagi ng malaki upang umiwas sa komplikasyon at mauwi ang tropeo. Nagtapos ang Iceland na may 7 puntos mula sa dalawang panalo at isang talo at sinundan ng Wales (5 puntos), Scotland (4) at Pilipinas (0).
Susunod para sa Filipinas ang qualifier para sa 2024 Paris Olympics sa Abril. May mga naka-abang din na FIFA Friendly o isang munting torneo sa huling linggo bago magbukas ang 2023 FIFA Women’s World Cup sa Hulyo 20.








Comments