Nagkalat na styrofoam, plastic bag at bottle, ‘wag balewalain

ni Ryan Sison @Boses | June 4, 2024

Dapat na makiisa ang publiko sa isinusulong ng pamahalaan na tamang pamamaraan sa pagtugon sa ating mga basura o waste management.
Ito ang binigyang-diin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kung saan kanilang inilahad na may iba’t ibang klase ng basura ang hinahakot ng kanilang mga kawani partikular na sa Manila Bay na makikitang inaanod na sa dalampasigan matapos ang mga pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa MMDA, ilan sa kanilang mga nakolektang basura sa lugar ay mga plastic bag, plastic bottle, styrofoam, kahoy, kawayan at marami pang iba.
Sinabi pa ng kagawaran na ang mga naturang basura ay inaabot nang matagal bago tuluyang matunaw, kaya naman hinihikayat nila ang mga mamamayan na kung maaari ay mag-reduce, reuse at recycle upang hindi ito maging dahilan ng mga pagbabara sa mga estero at iba pang daluyan ng tubig sa Kamaynilaan, na kadalasang sanhi ng mga pagbaha sa maraming lugar.
Tila hindi pa rin natututo ang marami sa ating mga kababayan ng tamang pagtatapon ng ating mga basura.
Binabalewala lamang kasi ang mga paalala ng kinauukulan kaya ang resulta santambak at samu’t saring basura ang kanilang nakokolekta mula sa maraming lugar.
May mga basura pa nga na makikitang palutang-lutang sa mga ilog at sapa, habang may nakasiksik naman sa mga kanal at estero na nagiging burak na. Kapag tuloy umulan ay siguradong nagbabaha sa mga lansangan.
Ito ‘yung matagal nang problema ng pagbabaha na hindi malutas-lutas dahil sa hindi tamang pagtatapon ng ating basura.
Kung may disiplina lang sana ang lahat at iniisip ang masamang kahihinatnan ng kawalan nito ay tiyak na gagawing isaayos o i-segregate ang mga kalat at basura.
Sana ay huwag tayong magbingi-bingihan sa paulit-ulit na panawagan tungkol sa wastong pagtatapon ng basura dahil sa huli tayo rin talaga ang mapeperhuwisyo.
Lagi rin nating iisipin na ang kalinisan ay sumasalamin sa kabutihan at kagandahan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments