Nagka-COVID ang pamilya at naghirap, kabaligtaran ang mangyayari sa tunay na buhay
- BULGAR
- Jul 12, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 12, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Joyjoy ng Pangasinan.
Dear Maestra,
Matagal na akong tagasubaybay ng column n’yo. Kuntento na akong abangan kung may kapareho sa mga nabasa ko sa column n’yo ang panaginip ko at nagkataon na may kamukha nga pero hindi eksakto, kaya naisip kong ako na mismo ang magpaanalisa ng panaginip ko.
Napanaginipan ko na nabiktima kaming lahat ng COVID-19, kaming mag-asawa pati na rin ang dalawa naming anak. Ang tulong ng gobyerno ay hindi sapat para sa aming lahat at halos wala na kaming panggastos at pantustos sa gamot. Naubos na rin ang kabuhayan namin kaya nagkandahirap-hirap kami.
Nagdasal ako nang taimtim habang umiiyak at nagmakaawa sa Diyos na iligtas kaming mag-anak sa napakasakit na sinapit namin. Humagulgol ako nang humagulgol hanggang bigla akong nagising na tuyong-tuyo ang lalamunan at halos hindi makahinga. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Joyjoy
Sa iyo, Joyjoy,
Huwag kang mabahala sa panaginip mo dahil kabaligtaran ang kahulugan nito. Hindi paghihirap ang mararanasan mo sa darating na mga araw, sa halip, may matatanggap kang pera mula sa malayong lugar. Maaaring sa kamag-anak mo na naninirahan sa abroad kung saan tatama sa lottery ang kamag-anak mo at isa ka sa babalatuhan niya.
Ang sabi mo ay nagdasal ka ng taimtim sa Diyos, ito ay nagpapahiwatig ng kaligayahan sa piling ng iyong mahal sa buhay at kalusugan ng katawan.
‘Yun namang umiiyak ka habang nagdarasal at humagulgol ka nang humagulgol ay nangangahulugang may kaligayahang naghihintay sa iyo sa susunod na mga araw. Matatapos na ang mga pagtitiis at pagdurusa mo. Malalagpasan mo ang matinding pagsubok na dumating sa buhay mo sa panahong ito ng pandemya. Gayundin, susuwertehin at pagpapalain ka na dahil may hindi inaasahang grasya na darating. Dahil d’yan, bilang pasasalamat sa Diyos, magse-celebrate ka kasama ng mga pinagkakatiwalaan mong kaibigan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments