top of page

Naging estudyante ng kaibigan kahit titser sa totoong buhay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 2, 2021
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 02, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Joel ng Laguna.


Dear Maestra,

Isa ako sa maraming tagasubaybay ng column n’yo. Hangang-hanga ako sa pag-aanalisa n’yo ng mga panaginip. Gusto ko ring magpaanalisa ng panaginip ko. Ako ay isang guro, nasa bahay lang ako ngayon mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic. Masaya naman ako dahil nagkaroon ako ng time na maka-bonding ang aking asawa at anak, hindi tulad noong nagtuturo pa ako na halos wala akong panahon sa kanila dahil puro eskuwelahan ang iniintindi ko. Hanggang sa bahay ay puro lesson plan ang pinagkakaabalahan ko.

Napanaginipan ko kagabi na sa halip na ako ang maging teacher ay baligtad dahil ako ang tinuturuan ng kaibigan kong teacher. Pero kinabukasan, pumunta ako sa school namin at nagturo na sa mga estudyante ko. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Joel


Sa iyo, Joel,

Ang ibig sabihin ng panaginip mo na sa halip na ikaw ang magturo ay baligtad dahil ‘yung kaibigan mo ang naging teacher mo, ito ay nagpapahiwatig na malalagay ka sa isang sitwasyon na kakailanganin mo ang tulong o payo ng isang kaibigan. Maaaring tungkol ito sa negosyo na balak mong simulan o maaari rin namang tungkol sa pamilya mo.


Ang panaginip na pumunta ka sa school at ikaw mismo ang nagtuturo sa mga estudyante mo ay nagpapahiwatig na lalapitan ka ng matalik mong kaibigan upang isangguni sa iyo ang isang problema na matagal nang gumugulo sa kanyang isipan.


Maaaring hingan ka niya ng tulong-pinansiyal, kaya ihanda mo na ang iyong sarili. Tulungan mo siya sa abot ng iyong makakaya, maging tungkol sa pera man o iba pang bagay na ilalapit niya sa iyo. Alalahanin mo na ang taong matulungin sa kapwa ay pinagpapala at nagiging kalugod-lugod sa mga mata ng Diyos. Mapapansin mo rin na doble ang balik ng pagpapala kung bukal sa loob ang pagtulong sa kapwa at walang hinihintay na kapalit.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page