top of page
Search
  • BULGAR

Naghihintay ang Diyos na handang magpatawad at tumanggap

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 13, 2022


Muling humiling ang mga kaibigan ni Lydia de Vega na mag-alay ako ng misa para sa kanyang kagalingan at kaligtasan. Noong tinawagan ako ng mga kaibigan ni Lydia para magmisa mahigit isang buwan nang nakararaan, hindi pa ganun kahina at kaseryoso ang kalagayan ng minamahal na atleta. Subalit iba ang tono ng pakiusap noong Miyerkules. “Kung maaari po ninyo muling misahan si Lydia de Vega, padre, dahil hindi na maganda ang kanyang kalagayan." Hindi ako nagdalawang-isip at minasahan ko si Lydia noong Miyerkules, alas-6: 00 ng gabi. Walang nakakaalam na 'yun na ang pinakahuling misa para kay Lydia na buhay pa. Bandang alas-8:44 ng gabi nang Miyerkules ay pumanaw si Lydia, wala nang dalawang oras pagkatapos ng misang inalay para sa kanya.


Ginawa na ng lahat ang maaaring magawa. Nagbantay, gumastos, nag-alala, nagpuyat at nagpakahirap ang anak at kamag-anak na nagmamahal kay Lydia. Ginawa na rin ng mga nahilingang manalangin at magpadasal ng pamilya, kamag-anak at kaibigan ni Lydia. Tiyak na pinaaalam ni Stephanie, anak ni Lydia sa kanyang ina ang lahat ng intensyon at panalangin na iniaaalay at ipinagmimisa para sa kanyang mahal na ina. Nagawa na natin ang lahat. Wala nang magagawa, kundi maghintay nang may pagtitiwala at pag-asa sa Diyos.


Pumanaw si Lydia na hindi nagkulang sa suporta at pagmamahal ng pamilya, kaibigan at kasama sa mahalagang larangan ng Sports, kahit sa kanyang espiritwal na pangangailangan, merong tumutulong at sumusuporta sa kanya.


Mahigit isang buwan na nagpupulong sa aming parokya ang grupo na nagnanais tumulong sa matatanda; may sakit at malapit nang mamatay. Pansamantalang tinawag naming DPWH ang grupo — Dalangin Pagkalingang Walang Hanggan. Halaw ang pangalan sa kilalang Medicine Sans Frontier o Doctors Without Borders, na isang grupo ng mga doktor na nabuo noong dekada '70s upang tumugon sa mga pangangailangang medikal at humanitarian sa mga taong apektado ng giyera at sari-saring kalamidad.


Bunga ang pagkakabuo ng grupo ng mahigit nang isang taong pag-iikot natin sa iba’t ibang sulok ng parokya, mayaman man o mahirap upang hanapin at dalawin upang bigyang-kalinga at ayudang espirituwal at medikal ang matatanda, may sakit at malapit nang mamatay. Nagugulat at minsa’y lubha tayong nababahala sa dami ng mabibigat na kaso ng matatanda, may sakit at malapit nang mamatay.


Noong Huwebes, ito ang ilang kasong nasumpungan natin sa pamayanan. Isang lalaking na-stroke at kinakailangang butasan ang lalamunan upang doon huminga (tracheostomy). Milyon na ang utang ng pamilya sa ospital, ngunit nagmamakaawa ang asawa na palabasin na ang kanyang mister kahit hindi pa sila bayad dahil imposible silang makapagbayad agad. Nadalaw ko rin ang mag-asawang ang lalaki ay hindi na makatayo at makapaglakad dahil sa stroke at mukhang nabubulok na ang kanang paa, samantalang ang babae naman ay kasisimula pa lamang ng kanyang dialysis dahil sa kanyang end stage kidney condition. Dalawang matandang babae ang malinaw na nag-uulyanin. Parehong ayaw magpatuloy ng pari. Ang dahilan ng isa ay hindi siya sasama dahil baka kunin siya ng pari. Ang pangalawa naman, ayaw niyang makipag-usap sa pari dahil “masama” siya. Gayunman, kinausap at nakipagbiruan tayo sa dalawang matandang may dementia. Meron namang isang lola na nakatutuwa dahil sa kabila ng kanyang kalagayang hirap na maglakad dahil sa malalayang arthritis naroroon ang kanyang anak na lalaki at manugang na walang sawa siyang inaalagaan. Palaging nakangiti si lola habang nakikipag-usap. Nakiusap pa na ipagdasal na huwag siyang pagsawaan ng kanyang anak ay manugang. Tiniyak ko naman kay lola na palagi ko siyang ipagdarasal sampu ng mga nag-aalaga sa kanya.


Tulad ng malawak na support group na nag-alaga kay Lydia de Vega, maaaring bumuo ng malawak ding support group ang parokya na sisikaping alagaan ang matatanda, may sakit at malapit nang mamatay.


At sa gitna ng anumang suporta o tulong materyal o espirituwal, emosyunal o sosyal, kailangang sikapin ng simbahan na imulat at ihanda ang lahat sa huling hantungan at tahanan ng lahat na magbibigay-kapayapaan at kagalakan sa lahat. Naghihintay sa atin ang Diyos na handang patawarin at tanggapin tayong lahat sa kanyang walang hanggang kapayapaan at kagalakan, sa kanyang kaharian na ating kaligtasan at kaganapan ng lahat ng ating mga pangarap, panaginip at mithiin. Amen.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page