Nag-iisang boto, ‘wag sayangin, magparehistro na
- BULGAR

- Feb 4, 2021
- 1 min read
@Editorial | February 4, 2021
“Parang awa n’yo na, magparehistro na kayo sa Comelec.”
Ito ang panawagan ng pamunuan ng Commission on Elections, dahil kapansin-pansing kakaunti ang botanteng nagpaparehistro.
Alam naman nating mabilis ang panahon, hindi natin namamalayan, botohan na naman.
Bagama’t tayo ay nasa hindi pangkaraniwang sitwasyon, huwag sana itong maging hadlang para mapigilan ang ating karapatan na bumoto, at ‘yan ay sa susunod na taon na.
Huwag nang mag-last minute kung kaya namang magparehistro na ngayon lalo’t iniiwasan nga natin ang pila at pagdagsa dahil sa COVID-19.
Unawain din natin na marami pang paghahanda ang kailangang gawin ng gobyerno upang maging maayos ang gaganaping halalan.
Kaugnay nito, magsisimula na rin ang Saturday voter registration ngayong buwan. Base na rin sa kahilingan ng ilang may trabaho tuwing Lunes hanggang Biyernes.
Kaya talagang wala ng dahilan para hindi makapagparehistro.
Iisa lang ating boto, huwag nating sayangin lalo na ngayon na ngangailangan tayo ng magagaling na lider sa gitna ng pandemya. ‘Yung mahuhusay, responsibla at tapat, hayaan nating manatili sa puwesto, habang ang mga pasaway at korup, pagsisipain na. Gamitin din natin ang ating kapangyarihan na makapagluklok ng mga karapat-dapat.



Comments