Nag-fire drill, daang estudyante, isinugod sa ospital dahil sa gutom at dehydration
ni Ryan Sison @Boses | March 25, 2023
Sobrang gutom at dehydration ay maaaring magresulta ng pagkahimatay ng isang indibidwal.
Ito ang nangyari sa mahigit 100 estudyante na isinugod sa ospital habang ginagawa ang surprise fire drill sa isang paaralan sa Cabuyao City, Laguna, nitong Huwebes, Marso 23.
Sa pahayag ni City Disaster Risk Reduction and Management (CDRRMO) head Sabi “Bobby” Abinal Jr., umabot sa 104 ang bilang ng mga estudyante na kanilang dinala sa ospital.
Sa initial findings ng ahensya, ang mga estudyante ay hinimatay dahil sa sobrang gutom at dehydration.
Nagpatupad kasi ng fire drill ang Gulod National High School - Mamatid Extension bilang pagsunod nito sa Department of Education Order No. 53 s. 2022 o Mandatory Unannounced Earthquake and Fire Drills in Schools.
Subalit, ang naturang paaralan ay hindi nag-coordinate ng kanilang aktibidad sa city government, CDRRMO, at Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay Abinal, tinatayang 3,000 estudyante ang nagsama-sama bandang alas-12:30 ng tanghali at ang fire drill ay nagsimula bandang alas-2:00 ng hapon. Sinabihan umano ang mga estudyante na tumungo sa open evacuation area at sa ilang mga silid-aralan.
Batay sa opisyal, ang heat index sa nasabing lungsod nang panahong ‘yun ay nasa tinatayang 39 hanggang 42 degree Celsius, mula ito ala-1:00 ng tanghali hanggang alas-3:00 ng hapon.
Nasa 20 estudyante sa evacuation area habang tinatayang 80 iba pa na nasa loob ng ilang crowded classroom ang hinimatay.
Binanggit naman ni Abinal na isang emergency responder ang nakaramdam din ng pagkahilo sa ginawa nilang operasyon sa loob ng mga naturang crowded classrooms.
Wala rin aniyang safety officers at medics habang ginagawa ang fire drill at mga estudyante lamang mula sa Boy Scouts and Girl Scouts of the Philippines ang nagsilbi bilang marshals.
May ilang mga estudyante ang nananatili pa rin sa ospital. May ilan naman na na-discharge, pero hinimatay ulit sa kanilang mga bahay, sabi ni Abinal. Gayunman, wala nang estudyante ang nasa kritikal na kondisyon.
Una nang nagbabala ang Department of Health (DOH) na manatiling hydrated ngayong panahon ng tag-init dahil sa posibleng pagtaas ng temperatura na makakasama sa kalusugan.
Napakadelikado ng ginawa ng paaralan na pagpapatupad ng fire drill na walang kaukulang koordinasyon sa mga kinauukulan. Mabuti na lamang at hindi naging malala ang kondisyon ng mga estudyante at mabilis ang pagresponde ng mga awtoridad.
Hindi biro ang nangyaring ito sa mga estudyante, kaya sana ay magsilbing aral ito para sa lahat.
Marahil, dapat ding siyasatin ng kinauukulan kung responsable ang pamunuan ng paaralan sa naganap na insidente at saka sila patawan nang kaukulang parusa. At tulad ng payo ng ating health department, maging maingat ngayong tag-init at manatiling hydrated.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments