Nabuking ni Gen. Nartatez, raid sa condo ng 44 pulis ‘di legit operation, kundi robbery
- BULGAR
- Feb 7, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 7, 2024
DAHIL SA IMBESTIGASYON NI NCRPO MAJ. GEN. NARTATEZ, NATUKLASAN ANG RAID SA CONDO ‘DI PALA LEGIT, KUNDI ROBBERY OPERATION -- Humanga ang mga kongresista kay NCRPO Director, Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr.. kasi nang dahil sa masusing imbestigasyong isinagawa nito ay natuklasan na hindi pala legit operation ang isinagawang pagsalakay ng 44 opisyal at tauhan ng Southern Police District (SPD) at Parañaque City police sa isang condo unit na kinaroroonan ng mga Chinese national sa Solemare Parksuites, kundi robbery operation.
Sana all ng police regional directors ay tulad ni Maj. Gen. Nartatez na masipag mag-imbestiga kaya nabubuking ang kawalang hiyaan ng mga scalawag na pulis, boom!
◘◘◘
UBOS ANG MGA ‘TULISANG PULIS’ KAPAG NAGING CHIEF PNP SI MAJ. GEN. NARTATEZ --Sa pag-iimbestiga ng NCRPO ay natuklasan na hindi lang pala P4.6 M at P27 M ang “kinumpiska” ng mga scalawag na parak, kundi aabot sa higit P64 M hanggang P100 M, ito ang halagang pinagparte-partehan ng mga pulis na nang-raid at ang sinasabing apat na babaeng Chinese national na na-rescue dahil biktima ng human trafficking daw ang mga ito, ay hindi pala mga na-rescue, kundi kinidnap at hinihingan ng tig-P2 M ang bawat isa, at ang matindi, kasabwat daw pala rito ang noo’y SPD director na si Brig. Gen. Roderick Mariano, at dahil d’yan ay iniutos ni Maj. Gen. Nartatez ang pagdismis sa serbisyo, pagsasampa ng kaso at pagpapakulong sa mga “tulisang pulis” na ito.
Sa totoo lang, kapag ang napili ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na maging next PNP chief si Maj. Gen. Nartatez ay tiyak mauubos ang mga “tulisang pulis” sa ‘Pinas, period!
◘◘◘
KAHIT WALANG CHA-CHA, TANGGALIN LANG ANG PORK BARREL, CONFI FUNDS AT IKULONG NG ‘NO BAIL’ MGA KURAKOT, TIYAK AASENSO ANG ‘PINAS -- Ayon sa mga senador, pabor sila sa Charter change (Cha-cha) kung economic provisions lang daw sa Saligang Batas ang babaguhin dahil malaki raw ang maitutulong nito para umasenso ang Pilipinas.
Sa totoo lang, kahit walang Cha-cha at pagbabago sa economic provisions sa 1987 Constitution, basta’t magkaisa lang ang mga pulitiko na walang tatanggap ng pork barrel, confidential funds at ikulong ng “no bail” ang mga corrupt politician ay aasenso naman ang Pilipinas at giginhawa pa ang buhay ng mga Pinoy, sigurado ‘yan!
◘◘◘
ATAT ANG MGA ANTI-DUTERTE POLITICIAN NA MAIPAKULONG SI EX-P-DUTERTE, KAHIT MATANDA NA ITO -- Nag-file si ACT Teacher partylist Rep. France Castro ng petition for review sa Dept. of Justice (DOJ) kaugnay sa isinampa niyang kasong grave threat laban kay ex-P-Duterte na dinismis na noon ng Quezon City Prosecutor’s Office.
Talagang atat na atat ang mga anti-Duterte politician na maipakulong si ex-P-Duterte kahit na ito ay matanda na, tsk!
Comments