NAASCU: Pasay U pinahina ang pundasyon ng St.Clare
- BULGAR
- Nov 15, 2023
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | November 15, 2023

Mga laro ngayong Miyerkules – Novadeci
9 am CUP vs. Enderun
10:30 am St. Clare vs. OLFU
12:30 pm NEU vs. HAU
2:00 pm MLQU vs. UMak
Niyanig ng City University of Pasay ang pundasyon ng 21st National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Men’s Basketball matapos patumbahin ang walang talo at defending champion St. Clare College of Caloocan, 75-71, Lunes sa Novadeci Convention Center sa Novaliches. Nakamit ng Eagles ang kanilang ika-limang panalo sa pitong laro at pinutol ang kaligayahan ng Saints na dating walang bahid sa unang anim.
Naging pagalingan mag-shoot ng free throw ang huling tatlong minuto. Itinayo nina kapitan Steven Kurt Meneses at Warren Sienes ang 73-69 lamang na may 11 segundong nalalabi.
May pagkakataon ang Saints matapos bigyan ng foul si Ahron Estacio habang tumitira ng tres at pinasok ang unang dalawa subalit sinadyang mintisin ang pangatlo. Hindi ito tumama sa ring para ibalik ang bola sa CUP at sinelyuhan ni Luigi de Leon ang tagumpay sa dalawang free throw at nagtapos na may 22 puntos.
Sa pagkabigo ng St. Clare, nanatiling perpekto sa 7-0 at inagaw ang solong liderato ng Our Lady of Fatima University sa bisa ng 81-54 tambakan sa Holy Angel University.
Bumanat ng anim na three-points si Marvel Jimenez para sa 18 puntos habang walang nakapigil sa higante Mamadou Toure na 14 at 12 rebound.
Nilampasan ng AMA University ang hamon ng New Era University, 70-67, sa likod ng 24 puntos at 10 rebound ni Earl Ceniza at Nikon Alina na may 20. Hawak ng Kings ang 63-50 bentahe sa huling tatlong minuto at kumapit sa gitna ng huling hirit ng Hunters.








Comments