Na-reschedule mula sa orihinal na Set. 2021... Civil Service Exams, ongoing – CSC

ni Zel Fernandez | April 24, 2022

Ngayong Linggo, Abril 24, isinagawa ang rescheduled Civil Service Examinations (CSE), kasabay ng paalala ng Civil Service Commission (CSC) sa mga kukuha ng exam ng kanilang mga dadalhin at kung paano maghanda para sa pagsusulit.
Matatandaang orihinal na itinakda ang CSE noong Setyembre 21, 2021 ngunit ipinagpaliban ang naunang iskedyul para sa Career Service Examination for Foreign Service Officer (CSE-FSO). Samantalang ang Fire Officer Examination (FOE), Penology Officer Examination (POE), at Basic Competency on Local Treasury Examination (BCLTE) ay orihinal namang nakaiskedyul noong Oktubre 10, 2021.
Ayon sa Civil Service Commission (CSC), may 17,840 kabuuang examinees ang inaasahang kukuha ng examination ngayong araw sa siyam na testing centers sa bansa.
Nauna nang inabisuhan ang mga registered examinees na itsek ang kanilang school assignments gamit ang Online Notice of School Assignment (ONSA) sa kanilang website. Maaari rin silang mag-inquire sa CSC Regional or Field Office na malapit o bisitahin ang CSC RO Facebook page para sa Notice of School Assignments na ipino-post ng mga regional officers.
Nakapaloob din sa ONSA ang Examinee’s Guide, na naglalaman ng kumpletong detalye sa kabuuang proseso ng CSE. Pinaalalahanan din ang mga magsisipag-exam na basahing mabuti ang itinakdang guidelines ng CSC at iwasan ang pagsi-share nito sa publiko dahil eksklusibo lamang ito para sa mga examinees.
Bilang bahagi ng pagpapatupad ng nakagawian nang patakaran, mahigpit din umanong pinaiiral ang “No ID, No Exam” policy at tanging mga valid IDs lamang na ipinasa rin sa pagpa-file ng online application para sa CSE ang pahihintulutang ipresenta.
Gayundin, mahigpit na bilin ng CSC na tanging mga examinees lamang na nakasuot ng face mask ang pahihintulutang pumasok sa testing venue, habang hinihikayat din ang paggamit ng face shield bilang dagdag-proteksiyon laban sa COVID-19.





Comments