top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

N95 mask, mandatory sa NBA; Tatum at Durant, namayani

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 4, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 4, 2021





Desidido ang NBA na magpatupad ng mas mahigpit na health protocols at aatasan nito ang mga manlalaro na magsuot ng KN95 o KF94 masks bilang pag-iingat kontra sa COVID-19 pandemic.


Inaasahang ipatutupad ang bagong polisiya sa susunod na Linggo kapag nakapagpamigay na ng masks ang liga sa kada-team. Ito ang pinakabagong health protocol na ipatutupad ng liga para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa mga manlalaro, coaches at staff. Ang naturang masks ay may kaparehong filtration sa N95 masks na ginagamit sa medical field at nasasala ang halos 95 percnt ng particles na nasa hangin.


Samantala, sa laro kahapon, sinayang ng Brooklyn Nets ang malaking lamang sa huling dalawang minuto subalit ito ay naging sapat para pabagsakin ang numero unong koponan sa buong liga Los Angeles Clippers, 124-120, kahapon sa Barclays Center.


Ibinaon ni Kevin Durant ang tres na may 1:55 upang umakyat sa 10 ang lamang ng Nets, 118-108, at kinailangan nila ang mga pandiin na free throw ni Kyrie Irving upang masigurado ang ika-14 panalo sa 23 laro. Nanguna si Irving na may 39 puntos at sinundan ni Durant na may 28 habang triple double si James Harden na 23 puntos, 11 rebound at 14 assist.


Dahil natalo ang Clippers (16-6), nagsilbi itong pagkakataon para bumalik ang Utah Jazz sa solong liderato ng buong NBA matapos nilang lusutan ang Detroit Pistons, 117-105, para sa kartadang 16-5. Inaksaya ng Jazz ang 28 puntos na lamang at kinailangan ng dalawang magkasunod na tres ni Bojan Bogdanovic at dunk ni Royce O’Neale upang maiwasang mapahiya at hindi masayang ang 32 puntos ni Donovan Mitchell at 20 ni Mike Conley.


Nagpakita ng tibay ng loob ang buong Boston Celtics sa fourth quarter upang talunin ang Golden State Warriors, 111-107. Bumida sa Celtics (11-8) si Jayson Tatum na may 27 puntos at Kemba Walker na may 19 puntos.


Ipinasok ni Fred VanVleet ang 11 tres patungo sa 54 puntos at itulak ang Toronto Raptors sa 123-108 pagwagi sa Orlando Magic. Ang 54 ni VanVleet ang pinakamarami sa kasaysayan ng koponan at kumuha siya ng suporta kay Norman Powell na may 23 puntos.


Lamang sa buong 48 minuto ang Indiana Pacers sa Memphis Grizzlies, 134-116. Umabot pa ng 28 ang lamang, 130-102, sa likod ng mahusay na laro nina Domantas Sabonis na nagsumite ng 32 puntos at 13 rebound at Malcolm Brogdon na may 23 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page