top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

MWSS: Sapat ang suplay ng tubig ng NCR ngayong 2023

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 30, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | March 30, 2023


Inalis ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang alalahanin ng mga tao ukol sa posibilidad na pagkakaroon ng kakulangan ng suplay ng tubig sa National Capital Region (NCR) sa mga susunod na buwan kasabay ng nakaambang banta ng El Niño phenomenon.


Nilinaw ng ahensya na sapat ang kapasidad ng Angat Dam para tugunan ang pangangailangan sa tubig ng Metro Manila ngayong taon.


Sa isinagawang simulation sa Angat Dam, na nagsu-supply ng 90% ng tubig sa Metro Manila at mga kalapit-lalawigan, binaggit ni MWSS Administrator Leonor Cleofas na ang antas ng dam ay mananatiling “komportable” sa buong buwan ng tagtuyot.


Samantala, nitong Martes, ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay nasa 203.25 metro, mataas pa rin sa minimum operating level nito na 180 metro. At nang matanong, binanggit rin ni Cleofas na ang suplay ng tubig ay sasapat para sa mga natititrang bahagi ng taon sa kabila ng paparating na El Niño phenomenon.


Ang El Niño ay isang pattern ng klima na naglalarawan sa hindi pangkaraniwang pag-init ng mga tubig sa ibabaw sa silangang tropikal na Karagatang Pasipiko. Ito ay karaniwang nangyayari sa pagitan ng limang taon, ngunit minsan ay nangyayari sa pagitan ng tatlo o hanggang pitong taon at karaniwang tumatagal ng siyam na buwan hanggang dalawang taon.


Ang tubig ay isa sa mga pinakamahalagang bagay na kailangan ng isang tao. Sa katunayan, halos lahat sa atin tubig ang inaasahan para makapaghanapbuhay. Ang posibleng pagkakaroon ng kakulangan ng suplay ng tubig sa NCR at mga karatig-lugar ay maaaring magkaroon ng malaking negatibong epekto.


Una na r’yan ang negosyo, tulad ng mga fast food industries dahil mahihirapan silang mag-operate kapag hindi sapat o walang tubig. Pangalawa, maraming tanim ang masisira o mamamatay.


Pangatlo, tayong mamamayan, napakaimportante ng tubig sa atin para mabuhay.


Kaya sa panahong ito, ang taumbayan ay hindi dapat umasa lamang sa solusyon ng gobyerno. Nararapat lamang na bilang mamamayan, magkaroon tayo ng disiplina sa pagkonsumo ng tubig at makiisa sa kung paano ito gagamitin nang maayos.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page