Murray bida sa Hawks, Pacers sinugpo ang Bucks
- BULGAR
- Nov 11, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | November 11, 2023

Pumukol ng 3-points si Dejounte Murray na may 31 segundo sa orasan upang buhatin ang Atlanta Hawks sa 120-119 panalo sa Orlando Magic sa NBA Mexico City Game 2023 kahapon mula sa CDMX Arena. Ito ang pagpapatuloy ng programa ng liga na magdaos ng opisyal na laro sa labas ng Estados Unidos at Canada.
Tila nakalimutan ng dalawang panig ang depensa at bumaha ang puntos sa first half at lamang ang Atlanta, 73-69. Nagising ang Orlando at itinayo ang 111-100 bentahe papasok sa huling walong minuto subalit may naiwan pang bala ang Hawks at humabol.
May pagkakataon sana ang Magic pero nagmintis ang tres ni Paolo Banchero sabay ng huling busina. Pumasok ang dalawang koponan na tabla sa 4-3 at umangat ang Hawks sa 5-3 habang pantay na 4-4 na ang Magic.
Mainit ang buong laro ni Trae Young at nagbagsak ng 41 puntos at walong assist na ang huli ay nagbunga ng nagpapanalong shoot ni Murray. Sumunod sina Jalen Johnson na may 19 at Murray na may 16.
Sa nag-iisang laro sa Amerika, humabol ang Indiana Pacers sa fourth quarter upang masugpo ang bisita Milwaukee Bucks, 126-124. Malaki ang ambag ni Tyrese Haliburton na ipinasok ang 10 ng kanyang 29 puntos sa huling quarter na may kasamang 10 assist.
Hawak ng Bucks ang 113-103 lamang papasok sa huling pitong minuto. Lumiit ito sa 121-119 at kinuha ng Pacers ang pagkakataon na bumanat ng pitong sunod na puntos simula sa tres ni Haliburton at mga free throw nina Benn Mathurin at Bruce Brown para sa 126-121 iskor at dalawang segundo sa orasan.
Nasayang ang 54 ni Giannis Antetokounmpo na pangalawang pinakamarami sa kanyang karera. Nagtala siya ng 55 laban sa Washington Wizards noong Enero 3, 2023.








Comments