top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Multa at tanggal lisensya sa mga isnaberong taxi driver

  • BULGAR
  • Dec 9, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 9, 2022


Habang palapit nang palapit ang Kapaskuhan, parami nang parami ang mga namimili at namamasyal sa mga mall. Ang siste, dagsa ang mga pasahero at pahirapan ang pagbiyahe.


Bagama’t gustong makaiwas sa mahabang pila sa mga terminal, pinipili na lang ng ilan na mag-taxi dahil kahit may kamahalan, bahagya naman itong ginhawa para sa kanila.


Ang problema, nagiging daan ito upang manamantala ang ilang taxi driver. Ang reklamo ng mga mananakay, talamak pa rin ang pangongontrata o panghihingi ng dagdag-bayad ng mga drayber kapag malayo ang kanilang pupuntahan, habang ang ilan naman ay tumatangging magsakay ng pasahero kapag alam na matrapik ang lugar na pupuntahan.


Dahil dito, muling ikinasa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ‘Oplan Isnabero’ laban sa mga taxi driver na namimili at nangongontrata ng mga pasahero.


Binigyang-diin ng LTFRB na ang sinumang taxi driver na mapatutunayang namimili ng pasaherong isasakay ay pagmumultahin ng P5,000 sa first offense, P10,000 sa second offense, at P15,000 sa ikatlo na maaari pang ikatanggal ng lisensya.


Gayunman, depensa ng mga taxi driver, may mga lugar na delikadong daanan, lalo na kapag inaabot na sila ng dilim.


Samantala, hinikayat ng LTFRB ang publiko na i-report agad sa kanila ang mga isnabero at nangongontratang driver sa pamamagitan ng hotline number na 1341 at QR codes na nakakabit sa mga pampublikong sasakyan.


Holiday season man o hindi, uso na ang mga isnaberong drayber. ‘Yung tipong, pahirapan na ngang bumiyahe, tatanggihan ka pa kapag malayo o trapik sa iyong pupuntahan.


At ngayong dagsa ang mga tao, hindi maiiwasang maging pahirapan sa pagbiyahe. Kaya pakiusap sa mga drayber, iwasan nating maging mapili sa mga pasahero.


Panawagan naman sa mga kinauukulan, tiyaking maparurusahan ang mga isnabero at nanamantalang drayber.


Umaasa tayong magsisilbi itong paalala sa mga tsuper na hindi dapat mamili ng seserbisyuhan at dapat maging patas sa singilan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page