Multa at community service, parusa sa mga hindi magsusuot ng face shield!

@Editorial | December 18, 2020
Parusa sa mga mahuhuling hindi nagsusuot ng kanilang face shields. ‘Yan ngayon ang pinag-aaralan ng iba’t ibang local government units (LGU) sa Metro Manila.
Kamakailan, ipinag-utos ng Inter-Agency Task Force on Infectious Diseases na bukod sa pagsusuot ng face mask, dapat mayroon na ring suot na face shield ang mga tao kapag lalabas ng kanilang bahay.
Sa lungsod ng Marikina, maaaring patawan ng community services ang mga lalabag nang walang face shield. Samantala, sa lungsod ng Valenzuela ay plano naman ng mga opisyal na magpataw ng multa sa mga pasaway.
Bagama’t maraming sumusunod sa mga health protocols, hindi talaga nawawala ang mga pasaway na Pinoy. ‘Yung tipong kailangan pa silang sawayin nang paulit-ulit, takutin sa multa o parusa sumunod lang.
Magpa-Pasko na’t lahat pero parang wala pa ring pagkatuto. Kung abala na ang ibang bansa sa pagbili na ng bakuna, sa atin ay pagsusuot ng face mask at face shield pa rin ang tinututukan.
Gusto nating matapos na ang problema sa COVID-19, kaya’t makisama at respetuhin natin ang mga polisiya. Simpleng ambag lang ito pero malaki ang maidudulot nang sa gayun ay madali nating mapagtagumpayan ang problema sa hindi nakikitang kalaban.



Comments