top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Muling pagtaas ng COVID-19 cases, ‘di dahilan para ibalik sa ECQ ang M. Mla

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 27, 2020
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 27, 2020


Ilang araw bago ang Pasko, kapansin-pansin ang muling pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, partikular sa Metro Manila.


Ito ay dahil sa dagsang mga tao sa mga mall at pamilihan, gayundin ang iba’t ibang ganap tulad ng inuman at party.


At sa mismong araw ng Pasko, hindi maitatangging paulit-ulit na nalabag ang safety protocols sa kabila ng walang tigil na paalala na bawal mamasko, lalo na ang mga bata.


Ang ending, napakaraming bata ang nasa labas at nagbahay-bahay kasama ang kanilang mga magulang, mayroon ding nagbakasakaling papasukin sa mall at ibang pasyalan, pero ang sagot, bawal.


Gayunman, sa kabila ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at kahit lumagpas na sa 1 RO (Reproduction Rate) ang nagaganap na hawaan, masyado pang maaga para ibalik ang sa enhanced community quarantine (ECQ) o modified enhanced community quarantine (MECQ) ang rehiyon, ayon sa University of the Philippines-OCTA Research Group.


Sa kasalukuyan, nasa average pa na halos 1,500 ang bilang ng mga bagong kaso sa Metro Manila, pinakamataas ang attack rate sa Makati City, 7%; Pateros, 5.8%; San Juan, 5.6%; Pasay, 5%; at Pasig City, 4.5%


Samantala, nanawagan ang mga eksperto na higpitan pa ng pamahalaan ang pagbabantay kung nasusunod ang health protocols.


Pakiusap naman sa publiko, hindi porke sinabing hindi pa kailangang maghigpit ulit, hindi tayo matatauhan. Sana ay magsilbing paalala ang mga kaganapan noong mga nakaraang araw para lalo tayong mag-ingat.


May susunod pang okasyon at malamang, kani-kanyang gimik na naman ang ating mga kababayan. Utang na loob, iwasang mag-inuman sa iisang tagayan at panatilihing may sapat na physical distancing.


‘Wag masyadong ma-excite sa pagsalubong ng 2021 dahil baka masaya nga kayo, ang ending naman nito, isa o ilan sa inyo ang magkakasakit.


Muli, ‘wag nating hintayin na lumala pa ang sitwasyon bago tayo mabahala at umaksiyon. Kaya panawagan sa lahat, maging maingat sa lahat ng oras.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page