top of page
Search
BULGAR

Mpox testing, libre sa mga ospital ng gobyerno

ni Ryan Sison @Boses | September 6, 2024



Boses by Ryan Sison

Dapat na samantalahin ng mga mamamayan ang libreng mpox tests na maaaring ma-avail sa mga ospital ng gobyerno.


Sa budget deliberation ng House of Representatives, sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, hiniling na niya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na gumawa ng benefit package para sa mpox testing dahil aniya, malapit nang maubos ang mga test kits at kailangan pa nilang bumili ng karagdagan ng mga ito. 


Nilinaw naman ng kalihim na ang mpox virus ay hindi maipapasa sa pamamagitan ng tinatawag na quick skin-to-skin contact. 


Ipinaliwanag niya na mas mataas ang panganib na mahawa sa sakit na ito kapag mas matagal ang exposure at mas intimate ang skin-to-skin contact.


Giit ni Herbosa, maiiwasan ang mpox virus kung palagian ang paghuhugas ng ating mga kamay. At sakaling aniya, may na-touch o nahawakan at hindi sigurado, maghugas lamang ng mga kamay dahil ang mpox virus ay talagang nade-deactivate sa pamamagitan ng sabon at tubig.


Ayon pa sa DOH chief, mula noong July 2022 ay nakapagtala ang bansa ng 17 mpox cases, na sa ngayon, walong kaso na lang ang nananatiling aktibo.


Mabuti naman at kumilos agad ang pamahalaan para mag-provide sa mga kababayan ng libreng testing para sa mpox virus sa mga pampublikong ospital.


Kahit sabihing hindi matindi ang epekto ng mpox virus sa atin o hindi mabilis makahawa ay may ginagawa silang hakbang para huwag tuluyang kumalat ang sakit na ito.


Malaki rin talaga ang naitulong ng mga karanasan natin noong panahon ng pandemya. Natuto tayong maging maagap at agad na maghanda sa paglaban sa anumang nagbabantang sakit.


Kaya sa ating mga kababayan, huwag nating sayangin ang pagkakataon at samantalahin nang magpa-test sa mpox virus sa mga ospital ng gobyerno na malapit naman sa inyong lugar para malaman kung ligtas at malayo tayo sa sakit na ito.


Ugaliin pa rin natin ang mga ginagawa natin noong ipinatutupad ang health protocol, gaya ng madalas na paghuhugas ng mga kamay, pag-iwas sa matataong lugar para hindi talaga tayo madikit sa mga taong baka dinapuan ng sakit, at kung hindi naman kalabisan ay magsuot na rin tayo ng face mask at magbitbit ng mga hand sanitizer o alcohol. 


Lagi nating alalahanin na mas mabuting maging maingat para hindi tayo magkasakit. 

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page