top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Motorcycle riding academy umarangkada na, goodbye kamote riders

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 29, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 29, 2023


Binuksan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Motorcycle Riding Academy para sa mga gustong matuto na baguhan at kahit datihan nang rider upang mapataas ang kaalaman sa pagmamaneho ng motorsiklo.


Ang inagurasyon ng naturang pasilidad ay pinangunahan ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes nitong Miyerkules, September 27, na matatagpuan sa vacant lot ng Government Service Insurance System (GSIS) sa bahagi ng Julia Vargas Avenue corner Meralco Avenue, Pasig City.


Layon ng pagtatatag ng Motorcycle Riding Academy na mabawasan ang mga motorcycle-related accident sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga theoretical at practical courses sa pagmomotorsiklo.

Para sa mga indibidwal na may edad 17 at pataas na nais na matuto ng tamang paraan ng pagmamaneho ng motorsiklo ay magbibigay ang academy ng libreng pagsasanay.


Ayon sa MMDA, kayang mag-accommodate ng hanggang 100 participants kada batch.


Ang mga rider ay dadaan sa 2-day motorcycle course kabilang na ang Basic Road Emergency Response, road Traffic Rules and Regulations, Motorcycle Orientation on basic parts, control and operation of motorcycles, demonstration of static position and moving position; at ang Motorcycle Skills Practice and Demonstration.


Gayundin, sinabi ng ahensya na ang makakapagtapos sa Basic Motorcycle Rider Course at makakapasa sa Motorcycle Riding Skills Test ay mabibigyan ng Certificate of Completion at badge.


Mainam ang ginawa ng kinauukulan na magbukas ng akademya para sa mga kababayan na gustong matuto ng tamang pagmamaneho ng motorsiklo.


Sa totoo lang, marami kasing driver at mga riders na basta lang makapagmaneho ay okey na, kahit na wala naman talagang alam sa road safety measures. Kung tawagin na nga sila ay mga kamote riders.


Kung ikukumpara rin sa ibang bansa, hindi sila nabibigyan agad ng lisensya hangga’t hindi sila pumapasok sa driving school at nakakuha ng certificate na nakatapos ng naturang kurso.


Marahil, maiiwasan siguro na may mangyaring aksidente sa lansangan at posibleng makatulong pa sa pagsisikip ng daloy ng trapiko, kung papasok muna sa ganitong pagsasanay ang mga baguhang rider o kahit na nagmamaneho na para madagdagan ang kanilang kaalaman sa pagmomotorsiklo na higit na nakatuon sa safety riding.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page