Motorcycle rider, puwede nang sumilong sa emergency lay-bys
- BULGAR

- Jun 1, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 1, 2024

Para may masilungan ang mga motorcycle rider mula sa pagbuhos ng ulan ngayong pumasok na ang rainy season, maglalatag na ng mga emergency lay-by sa ilang lugar sa Metro Manila.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), magtatayo sila ng 14 lay-bys sa ilalim ng mga flyover sa kahabaan ng EDSA, C5, at Commonwealth Avenue para sa mga nagmomotorsiklo sa gitna ng tag-ulan.
Kasabay ng pag-inspeksyon nitong Biyernes sa emergency lay-by area sa EDSA Quezon Avenue Flyover, sinabi ni MMDA Chairperson Romando Artes na layunin ng kagawaran na buksan ang mga ito sa publiko sa Hulyo.
Aniya, ang paglalatag ng mga emergency lay-by sa mga pangunahing lansangan ay naglalayong magbigay ng pansamantalang masisilungan ang mga motorcycle rider sa panahon ng tag-ulan.
Binanggit ni Artes na sumulat si 1-Rider Partylist Representative Rodge Gutierrez sa MMDA noong nakaraang linggo, kung saan humihingi ng status ng plano ng kagawaran para sa motorcycle rain shelters.
Batay sa liham ni Rep. Gutierrez, ang hiniling na datos ay makakatulong sa kanila sa pagtukoy ng kinakailangang batas para matulungan ang MMDA at mga local government unit (LGU) tungkol sa sitwasyon ng trapiko sa ating bansa.
Kaugnay nito, sinabi ng kagawaran na ang motorcycle taxi ride-hailing service na
Angkas ay magbibigay naman ng 10 bicycle repair shops na may basic repair at vulcanizing tools.
Pinaplano na rin ng MMDA na maglagay ng mas maraming emergency lay-by sa buong Metro Manila.
Matatandaang noong Miyerkules, idineklara ng state weather bureau na PAGASA ang pagsisimula ng tag-ulan sa ating bansa.
Malaking tulong para sa ating mga motorcycle rider ang paglalagay ng mga lay-by kapag bumubuhos ang malakas na ulan.
Magiging ligtas at maayos ang mga nagmomotorsiklo habang mayroon silang opsyon dahil dito, lalo na kung may kumpulan o siksikan ng mga motor na sumisilong lamang sa mga tulay at footbridge tuwing umuulan.
Kumbaga, may pagkakataon na tumigil muna sila sa pagbiyahe at magpahinga saglit sa mga ilalatag na emergency lay-by kahit pa siguro wala namang ulan. Sa kinauukulan, lagi sanang magsagawa ng mga magagandang proyekto na makatutulong at totoong may pakinabang sa taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments