top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Motorcycle protective barrier, delikado at hindi talaga puwede!!!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 10, 2020
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 10, 2020



Ilang araw na mula nang ipag-utos ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang paglalagay ng protective barrier sa mga motorsiklo upang ang nagmamaneho nito ay makapag-angkas ng kanilang asawa o malapit na kaanak.


Ngunit sa patuloy na pagdaan ng mga araw ay kapansin-paning halos iilan lang ang mga sumusunod sa paglalagay ng barrier at karaniwan ay hindi naman nakasunod sa standard barrier na nais ipatupad ng IATF.


Ang dahilan—marami talaga ang hindi naniniwala sa kautusang ito at bilang pagpapakita ng pagtutol ay umabot na sa mahigit 7,889 ang nasita ng JTF-COVID Shield na nagmamaneho ng wala o maling barrier.


Ayon sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ay umabot na rin sa mahigit pitong libo ang kanilang nahuli na nagpapanggap na mag-asawa at magkaangkas sa motorsiklo.


Dahil sa tila humihila ng barko sa lupa ang ating pamahalaan sa pagpapatupad ng kautusang ito ay marahil na dapat itong pag-aralang muli para maipatupad ng maayos at walang pagtutol sa mga nagmu-motorsiklo.


Halos lahat ng eksperto sa pagmamaneho ng motorsiklo ay nagpahayag na ng kani-kanilang opinyon na pawang tumututol sa kautusang ‘yan ngunit tila mas umiral sa IATF ang may maipatupad na kautusan kahit hindi epektibo.


Idagdag pa natin ang mga naitala nang aksidente dahil sa paggamit ng barrier na ‘yan, hihintayin pa ba nating may mamatay sa aksidente bago natin ipahinto ang pagpapatupad ng hindi ligtas na panuntunan.


Marami sa ating mga kababayan ang makikita talaga ang kagustuhang sumunod kaya ang ginagawa ng ilan ay gumawa ng sarili nilang barrier na mas delikado pa kumpara sa delikadong halimbawa.


Merong gumawa na sa malayo ay aakalain mong bakal, ‘yun pala ay gawa lamang sa PVC pipe at kulay gray lamang kaya mukhang bakal pero mas delikado dahil doon nakakapit ang angkas na sa oras na mabali ay tiyak na magdudulot ng aksidente.


Ako bilang motorcycle enthusiast at nagmamaneho talaga ng motorsiklo sa mahabang panahon, hanggang ngayon ay tuloy ang aking paninindigan na hindi talaga ligtas ang barrier na ‘yan.


Maging ang mga manufacturer ay nagbigay na ng pahayag na dapat ay dumaan sa engineering at tamang balanse ang paglalagay ng anumang karagdagang bagay sa motorsiklo.


Hindi naman natin minamasama ang IATF dahil sa dami rin ng kanilang inaatupag ngunit hindi sapat na nakatuon lamang tayo sa posibleng pagkakahawaan sa COVID-19 dahil dapat ding isaalang-alang ang ligtas na pagmamaneho.


Tingnan ninyo ang nangyari, mahigit pitong libo ang nahuling nagsinungaling at mahigit din sa pitong libo ang napahamak dahil hindi sumunod dahil sa kawalan ng pambili o natatakot sumemplang.


Tutal ganun din kahit may barrier ay sa balikat pa rin ng nagmamaneho nakahawak ang nakaangkas kaya kung pagkahawa lang sa COVID-19 ang inaalala ay pareho ring puwedeng mahawa.


Ngayon mariing ipinag-uutos ng IATF ang pagsusuot ng face mask kasabay ng face shield sa mga pamilihan at pagsakay ng pampasaherong sasakyan, pero sa magka-angkas sa motorsiklo kahit mag-asawa pa ay hindi sapat ang face mask tapos naka-helmet pa.


Sa panahon ngayon na muli tayong isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ay walang ibang puwedeng sakyan ang mahihirap nating kababayan kung hindi motorsiklo.


Kaya naman, doble ang pakiusap natin na bukod sa barrier na hindi ligtas ay higpitan na lamang ang pagsusuot ng face mask at maayos na helmet ang mga magkaangkas sa motorsiklo para gumaan ang kanilang paghihirap.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page