top of page
Search
  • BULGAR

Motorcycle lane sa EDSA, epektib sa trapik

ni Ryan Sison @Boses | April 22, 2024





Pinag-aaralan na ang posibilidad na magdagdag ng motorcycle lane sa kahabaan ng EDSA para maibsan ang problema sa trapiko.


Sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista na batay sa isang pag-aaral ay nasa 170,000 motorsiklo ang gumagamit ng EDSA araw-araw.


Ayon sa kalihim, nauna nang nakipag-usap ang DOTr sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagkakaroon ng dedicated lane para sa mga motorsiklo sa pangunahing lansangan.


Pahayag niya, may apat na lane lamang ang EDSA. Ang isang lane ay ang busway at sa right side ay may bicycle lane. Tinitingnan naman nila sa tabi ng bicycle lane ang paglalagay o gagawing motorcycle lane.


Binigyang-diin ni Bautista na sa ngayon, makikita sa EDSA na lahat ng lane ay kinakain o sinasakop na ng mga motorsiklo. Gayunman, nakikipagtulungan na sila sa MMDA kung paano mapapabuti ang sitwasyon ng trapiko na may kaugnayan sa mga motorsiklo.


Aniya, sa pamamagitan ng motorcycle lane sa EDSA, layunin ng gobyerno na tugunan ang nagiging economic cost ng trapik.


Binanggit naman ni Bautista, ang isang pag-aaral noong 2012 ng Japan International Cooperation Agency (JICA), kung saan nagsasaad na ang economic cost ng trapik ay umabot sa P2.4 bilyon kada araw sa Metro Manila.


Noong 2017, ang economic cost ay umabot sa P3.5 bilyon sa isang araw, habang ang pinakahuling pag-aaral noong 2022 ay lumabas na ang pagkalugi sa ating ekonomiya dahil sa traffic ay P4.9 bilyon kada araw. Inaasahan naman ng JICA na tataas ito ng P9 bilyon per day sa 2030.


Paliwanag pa ng DOTr chief, ang itinuturing na economic cost ng traffic ay ang karagdagang fuel, additional na gastos, nawawalang oportunidad sa paglago, nawawalang oras para sa pamilya.


Magiging mas mainam nga siguro kung maglalagay na ng motorcycle lane, hindi lang sa kahabaan ng EDSA kundi pati na rin sa ating mga pangunahing lansangan.


Kadalasan kasi kung saan-saan sumusulpot ang mga motorsiklo, kabilang na rito ang mga motorcycle taxi, delivery rider, etc., bukod pa sa mga nagdadala talaga ng kanilang motor, na kung minsan ay nagiging takaw sa aksidente. Paano ba naman, bigla-biglang na lamang daraan, at dahil nagmamadali sisingit o lulusot sa maliliit na kalsada kahit na nakahinto na ang mga sasakyan, kaya tuloy hindi maiwasan talaga ang madisgrasya. 


Pero, kung magkakaroon na sila ng designated lane at doon na lamang lahat babagtas ang mga motorsiklo ay maaaring lumuwag na ang trapiko at maiiwasan pa ang anumang aksidente sa lansangan.


Patuloy sana ang kinauukulan na mag-isip ng paraan para tuluyang malutas ang matinding trapik sa Kamaynilaan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page