Motor taxi rider, buking sa P14.2M shabu
- BULGAR

- 23 hours ago
- 1 min read
by Mervin Reyes @News | September 2, 2026

Photo: PNP-PIO
Tiklo ang 33-anyos na motorcycle taxi rider matapos makuhanan ng mahigit dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P14.2 milyon sa isang drug buy-bust operation sa Ermita, Maynila nitong Lunes.
Ayon sa District Drug Enforcement Unit ng Manila Police District, nagsagawa ng operasyon matapos magkaroon ng transaksyon sa southern Metro Manila na kalaunan ay nauwi sa Ermita.
“Ito po ay unang lapag dito sa Manila. Taga-Navotas po itong tao. Nagkaroon po ng transaksyon sa southern part ng Metro Manila. May initial buy-bust sa southern part hanggang sa lumapag po dito sa Ermita, Manila,” ani MPD chief PBGen. Arnold Santiago.
Iniharap ang suspek kay Manila Mayor Isko Moreno nitong Martes.
Hinimok ng mga awtoridad ang ride-hailing companies na higpitan ang kanilang screening process sa mga rider upang maiwasan ang paggamit sa kanilang serbisyo sa ilegal na transaksyon.
Inamin naman ng suspek na courier lamang siya ng ilegal na droga na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.





Comments