top of page
Matet de Leon - FB.jpg

Motor, sapul sa SUV... Titser, patay sa anak ng Vice Mayor

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 1 min read

ni Jeff Tumbado @News | June 26, 2026



Road accident of teacher vs son of VP - Circulated CCTV

Photo: Circulated / CCTV



Ikinakasa na ng pulisya ang “amended” o binagong reklamong kriminal laban kay David Alfred de Guzman, 24, anak ni Marikina Vice Mayor Del de Guzman, matapos masawi ang isang guro na kanyang nabangga noong Hunyo 13.


Kinilala ang biktima na si Alexander Cruz, 27, na nagmamaneho ng motorsiklo at nabangga ng sport utility vehicle (SUV) na minamaneho ni De Guzman sa kanto ng Gen. Ordoñez at Russet Streets sa Brgy. Concepcion Dos, Marikina City.


Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon si Cruz at nagtamo ng matinding pinsala sa katawan.


Agad siyang isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center kung saan siya isinailalim sa gamutan.


Isang linggo ring nakipaglaban si Cruz para sa kanyang buhay habang nasa coma, ngunit kalauna'y binawian ng buhay noong Hunyo 20.


Ayon sa mga imbestigador, positibo sa pag-inom ng alak si De Guzman matapos siyang sumailalim sa alcohol breath analyzer test kasunod ng insidente.


Gayunman, nakalaya siya mula sa kustodiya ng pulisya matapos makapagpiyansa.

Sinabi ni Marikina City Police Chief Col. Jenny Tecson na kasalukuyan nilang kinukuha ang death certificate ng biktima mula sa pamilya nito bilang bahagi ng paghahanda sa pagsasampa ng karagdagang kaso laban kay De Guzman.


Nauna nang nagsampa ang pulisya ng mga kasong reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property, gayundin ng paglabag sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act laban kay De Guzman.


Dahil sa pagkamatay ng biktima, inaasahang aamyendahan ng mga otoridad ang mga naunang reklamong isinampa upang maisama ang pananagutan kaugnay ng pagkamatay ni Cruz.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page