Motor at bike sa iisang lane, makakabawas sa trapik
@Editorial | December 20, 2022
Simula sa Disyembre 25, papayagan na ang mga motorsiklo na dumaan sa bike lane sa MacArthur Highway.
Ito ang ordinansang ibinaba sa Lungsod ng Valenzuela.
Puwede na ang mga motor sa bike lane simula Lunes hanggang Biyernes, na may maximum speed limit na 20kph.
Samantala, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang mga tricycle at pedicab sa nasabing highway.
Ang pagpapahintulot sa mga motor sa bike lane ang isa umano sa nakikitang solusyon sa lumalalang trapik lalo na ngayong Kapaskuhan.
Bagay na puwede ring pag-isipan sa ibang lungsod sa Metro Manila.
Kapansin-pansin na iilan na lang din ang mga naka-bike na bumibiyahe, halos karamihan ay nakamotor na. Kaya malaking tulong na mailaan na rin sa mga rider ang bike lane.
Bukod sa mapapabilis ang biyahe, maiiwasan din ang aksidente na sanhi rin ng trapik.
Ang paalala naman sa mga nakamotor, maging responsable. Kapag puwede na tayong dumaan sa bike lane, kunin na natin ang pagkakataon, huwag nang sumingit sa ibang lane. Sundin ang mga panuntunan para walang problema.
Kailangang magtulungan ang lahat para maibsan ang grabeng sitwasyon ng trapiko.
Dapat na nag-iisip ng solusyon at kumikilos ang gobyerno para masolb agad ang mga problema habang nakikiisa naman ang publiko.



Comments