Morena, maliit at chubby na girl, ka-compatible ng binatang Sagittarius
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 8, 2021
Dear Maestro,
Nais kong malaman kung sinu-sino ang mga ka-compatible ko at kailan ba ako magkaka-girlfriend? Halos dalawang taon na mula nang mahiwalay ako sa una kong girlfriend, pero hindi na ako nagka-dyowa ulit. May mga nililigawan ako, pero parang mailap na sa akin ang suwerte at isa pa, hindi ko nararamdaman sa kanila ‘yung pagmamahal na naramdaman ko sa aking ex-girlfriend. Maestro, sa palagay n’yo, kailan ba darating ang babae na laan sa akin ng kapalaran na makakasama ko habambuhay at ano ang kanyang mga katangian?
December 15, 1996 ang birthday ko.
Umaasa,
Sam ng San Andres, Cainta, Rizal
Dear Sam,
Ang zodiac sign mong Sagittarius ang nagsasabing kung hindi isang Leo, Aries, Gemini at kapwa mo Sagittarius, isang babaeng isinilang sa buwan ng Mayo ang iyong magiging ikalawang girlfriend, na siya mo na ring tuluyang mapapangasawa.
Samantala, ayon naman sa birth date mong 15 o 6 (ang 15 ay 1+5=6), ang nasabing babae, bukod sa nabanggit ng mga zodiac sign sa itaas ay isinilang sa petsang 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 5 14 at 23.
Kung saan, ayon sa hugis ng iyong mukha na medyo pahaba, at ayon na rin sa kayumangging kulay ng iyong balat, ang babaeng mapapangasawa at makakasama mo habambuhay ay medyo kayumanggi rin ang kulay ng balat, medyo mababa ang height at may mataba o medyo chubby na pangangatawan. Kapag may nakilala ka at niligawan kang babae na kapareho ng nasabing deskripsyon, ‘yun ang pahiwatig na siya na ang mapapangasawa at makakasama mo habambuhay.
Ayon sa iyong Love Calendar, ang pagdating ng nasabing babae ay magaganap sa taong 2023 bago sumapit ang edad mong 27. At pagkatapos ng humigit-kumulang dalawang taong relasyon, sa 2025 o sa edad mong 29 pataas, bago ka tumuntong ang ika-30 kaarawan, may masayang pag-aasawang mararanasan, na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.




Comments