top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

PWD, ‘wag pahirapan sa pramis na awtomatikong PhilHealth coverage

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 1, 2023
2 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 1, 2023


Noon pa naisabatas ang awtomatikong PhilHealth coverage para sa ating mga Kababayang may kapansanan o persons with disability (PWD).


Ipinasa ang Republic Act (RA) 11228 o “An Act providing for mandatory PhilHealth coverage for all PWDs” noong 2019. Naging epektibo naman ang implementing rules and regulations (IRR) nito noon pang 2020.


Pero hanggang ngayon, nananatiling isang mailap na pangarap at paghahabol sa hangin ang katuparan ng adhikain ng mahalagang batas na ito. Maraming mga PWD na naisyuhan o nabigyan na ng balidong PWD ID, na hanggang ngayon, ay naghihintay pa ring maging covered ng PhilHealth bilang principal member na PWD.


Isinasaad sa RA 11228 na, “lahat ng PWD ay awtomatikong magiging covered sa ilalim ng National Health Insurance Program ng PhilHealth”. Ang national government ang sasagot sa premium contributions nila, samantalang maghahati naman sa pagbabayad nito ang employer at national government para sa mga PWD na kabilang sa tinatawag na “pormal na ekonomiya” o PWD na empleyado ng gobyerno o pribadong sektor, may-ari ng mga micro at maliliit na negosyo, mga kasambahay, at iba pa.


Malinaw sa mismong batas na awtomatiko dapat na magkaroon ng PhilHealth coverage ang ating mga PWD. Pero pagdating sa IRR, tila hindi ito naging kasingdali, kasimbilis at kasing-simple ng inaasahan nila.


Ayon sa Section 3 ng IRR, ang iko-cover lamang ng PhilHealth ay ang mga PWD na nakatala sa Philippine Registry of Persons with Disability (PRPWD) ng Department of Health (DOH).


Kaya kahit pa ang isang may kapansanan ay lehitimong naisyuhan na ng PWD ID ng kanyang lokal na pamahalaan, hindi pa siya awtomatikong kuwalipikado sa PhilHealth coverage bilang PWD hangga’t wala pa ang pangalan niya sa listahan ng PRPWD.


Ang pag-update at pagtitiyak na ang ating mga Kababayang PWD ay mapabilang sa nasabing registry ay nasa kamay na ng pamahalaan sa pangunguna ng DOH. Wala na ito sa kamay ng ating mga PWD, na sa kabila ng kanilang mahirap na sitwasyon ay nagpakapagod na makapagsumite sa kani-kanilang lokal na pamahalaan ng lahat ng kinakailangang dokumento para makakuha ng kanilang PWD ID.


Bakit kailangan pang paghintayin at pahirapan ang ating mga PWD sa gitna ng kanilang kalagayan para lamang magkaroon ng PhilHealth coverage bilang PWD na itinakda na ng batas? Kaya nga sila binibigyan ng ganitong benepisyo ng pamahalaan dahil sa kanilang mahirap na sitwasyon.


May mga PWD pa na nagkaroon ng kapansanan dala ng matindi o malalang karamdaman tulad ng kanser o pagkasira ng atay. Napakahirap ng kanilang pinagdaraanan, lalo na kung walang regular na trabaho ang kanilang kapamilya na tumutulong at umaalalay sa kanila sa araw-araw. Kung labas-pasok ang PWD sa ospital, lalong napakahalaga ng PhilHealth coverage na awtomatiko na ngang dapat ibigay sa kanila ng pamahalaan.


Nasaan ang habag natin para sa kanila sa gitna ng lahat ng ito? Nasaan ang paglingap mula sa gobyernong nangakong tutulungan sila? Ang bawat oras at araw ng kanilang paghihintay sa inaasahang benepisyo ay karagdagan sa bigat ng kanilang pasan-pasan.


‘Wag na sanang ma-delay pa ang awtomatikong pagtangkilik ng PhilHealth sa ating mga lupaypay nang PWD.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page