Modernong dyip: pera o kultura, sino ang makikinabang?
- BULGAR
- Mar 12, 2023
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 12, 2023
Hindi ko alam kung ano ang kinagisnan n’yong sasakyan. Ako ay mapalad na maranasan ang halos lahat ng uri ng sasakyan sa aming munting baryo sa dating bayan na ngayon ay siyudad na ng Malabon. Bilang batang musmos, naranasan kong sumakay sa kalesa, tricycle, padyak, JD at DM Transit, taxi, segunda manong kotse ng tatay ko at higit sa lahat, sa mahal nating dyip.
Naaalala ko pa ang mga dyip na hatid-sundo kami noong nag-aaral kami sa Immaculate Conception Academy of Manila (ICA) sa Balot, Tondo, Manila. Medyo may kalayuan sa amin ang ICA, kaya naaalala ko ang sakripisyo naming lahat mula sa nanay at tatay namin hanggang sa aming tatlong magkakapatid, na kailangang gumising nang alas-4:30 ng madaling-araw.
Gayunman, kahit mahirap ay nasanay naman kami. Araw-araw, darating ang dyip na mayroong espesyal na busina na walang katulad, kaya malayo pa lang ay dinig na dinig na namin. Handa na ang mga bag at baon para sa recess, bubuksan na ang gate ng aming compound at isa-isa kaming lalabas at hahakbang sa estribo ng dyip, na kung hindi ako nagkakamali kulay dilaw. Mapupuno ang dyip ng mga inaantok na bata na wala pang isang iglap at halos kauupo pa lamang ay tulog na. Tahimik ang biyahe dahil naghahabol ng tulog ang maliliit na bata.
Nang lumaki-laki kami, inilipat kami ng aming magulang sa malapit-lapit na eskuwela, kaya kami ay nag-aral naman sa St. James Academy, sa bayan ng Malabon. At marahil dahil malalaki na kami, mas marami ring alaala tungkol sa mga panahon ng aming pag-aaral sa naturang paaralan.
Gayundin, sa mga taong kami ay nagaral sa St. James, naru’n muli ang dyip na minaneho ni Mang Ninoy na naging tatay naming lahat. Dark green ang kulay ng dyip ni Mang Ninoy at kakaiba ang tunog ng busina nito. Tulad ng naunang dyip na sumusundo at nagdadala sa amin sa ICA, nakasanayan na rin naming hintayin ang busina ng parating na dyip tuwing umaga mula Lunes hanggang Biyernes.
Marahil dahil malapit-lapit ang mga panahong ‘yun sa kakatapos lang na Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ganu’n na lang kahalaga ang simbolo ng dyip. Mula magulang, titser hanggang sa mga bulinggit na estudyante, alam ng lahat ang pinanggalingan ng mga pamasaherong dyip.
Lalong alam ng mga inabot ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II. Alam ito ng ating mga lolo’t lola at maging ang ating mga nanay at tatay, at dahil kaming mga ipinanganak sa dekada ‘50 na napakalapit sa katatapos pa lang na digmaan, marami rin kaming narinig na mga kuwento tungkol sa mga ‘army jeep’ na ginamit ng mga Amerikanong sundalo laban sa mga Hapones.
Wala kaming nakikitang problema sa dyip, maliban sa katandaan at kalumaan ng mga ito. Para ngang mahahalaga’t mamahaling antigo ang mga ito na nagpapaalala sa napakahalagang yugto ng ating kasaysayan.
At sadyang napakalungkot ng kontrobersyal na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) o jeepney phaseout ng nagdaang pamahalaan, na masugid na pinagpapatuloy ng kasalukuyang pamahalaan. Hindi ko maintindihan kung bakit parang walang damdamin at pagmamalasakit para sa matuturing na ‘national icon’ na dyip na ipinakikita ng mga nagtutulak ng naturang programa. Basta sinimulan na lang nila at ipinasok ang mga modern jeep na mukhang alanganing mini bus na makipot at mataas, at medyo maikli kumpara sa mga karaniwang mini-bus noong araw. Gayundin, walang matinong konsultasyon na naganap at ipipilit na lang ang kanilang programang modernisasyon ng dyip sa halagang P2.2 milyon sa bawat dyip.
Saan naman nila nakuha ang halagang ito? Sino ang makakabayad ng ganitong halaga para bumili ng modernong dyip? Sinong karaniwang drayber ang makakayang bayaran ang ganitong dyip?
Hindi ba, ang malalaking indibidwal o korporasyon lang na mayroong sobra-sobrang pondo ang kayang tumugon sa hamong ito?
Ang maliliit na dyip ay nagmula sa mga kilalang gawaan ng dyip tulad ng Sarao o Francisco Motors. Ang mga dyip na gawa ng mga kumpanyang ito ay hindi gaanong mahal at kaya pang utangin sa anumang bangko. Bakit hindi isipin at gawan ng paraan ng pamahalaan na tulungan ang maliliit na tsuper at operators sa paraang angkop sa kanilang kakayahan?
Ito ang problema sa bansa na binubuo ng maliliit, ngunit pinatatakbo ng malalaki na inuuna ang kanilang sing laking pansariling interes?
Nang matapos ang World War II, naiwanan ng mga Amerikano ang kanilang maliliit na army jeep.
Mula sa maliit na army jeep, isinilang ang mga unang dyip na 70 taon nang narito sa ating bansa.
Mawalang galang sa mga mahal na mambabatas at mahal na Pangulo. Sana’y huwag n’yong isipin na ang modernisasyon ay nangangahulugan ng total transformation.
Huwag n’yong isipin na phaseout lang ang kailangan ngayon.
Ito ang nabasa ko sa isang post — Localize. Modernize. Phase in! No need for drivers to bleed more than P2 M for imported transition!








Comments