top of page

MMDA, dapat bantay-trapik, hindi bantay-salakay

  • BULGAR
  • Dec 20, 2022
  • 3 min read

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 20, 2022


Maganda na sana ang tinatahak na landas ng 17 alkalde sa Metro Manila na magpatupad ng moratorium sa pagkumpiska sa lisensya ng mga motoristang lalabag sa batas-trapiko.


Ito kasi ang napagkasunduan ng mga alkalde kamakailan na inaasahang ipatutupad sa first quarter ng taong 2023 at kasalukuyan nang pinaplantsa ang magiging sistema at legalidad ng naturang hakbangin.


Ang moratorium ay magiging epektibo matapos na mabuo ng mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) ang mga guidelines para sa inter-connectivity program na gagamitin sa single ticketing system.


Nagbigay pa ng pahayag si MMDA Acting Chairman Romando Artes na magpapasa umano ng ordinansa ang mga city at municipal councils sa Metro Manila upang walang maging balakid sa pagpapatupad ng naturang kasunduan.


Laman ng mga ipapasang ordinansa ang kautusang suspensyon sa pagkumpiska ng lisensya ng mga driver na magkakaroon ng traffic violation sa oras na simulan na ang nabanggit na moratorium.


Kahit ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ay nagbigay din ng komento na bagama’t hindi muna kukumpiskahin ang driver’s license ay ililista pa rin ng mga traffic enforcer ang pangalan ng mga lalabag na motorista at ipapasa ang impormasyon sa LTO.


Maganda dahil magkakaroon umano ng single ticketing system at magkakaroon na ng inter-connectivity sa database sa mga lumabag at lalabag pa sa batas-trapiko sa Metro Manila.


Kung maisasakatuparan ito sa pagpasok ng Bagong Taon ay malaking tulong ito para magkaroon ng common database ang Metro Manila LGUs, MMDA, at LTO.


Kasabay ng paghaharap-harap ng mga alkalde ay inanunsiyo rin ni DILG Secretary Benhur Abalos na nangako umano ang Metro Manila mayors at MMDA na bababaan ang penalty sa ilang traffic violations.


Kung inyong mapapansin ay special mention ni Sec. Abalos ang MMDA na makikiisa para ibaba ang penalty sa traffic violations — tapos ngayon ay nanggagalaiti si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa pamunuan ng MMDA.


Gusto ni Enrile na ipasuri sa psychiatrist ng National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City ang pamunuan ng MMDA dahil sa pagtatakda umano nito ng performance target para sa mga mahuhuling lumalabag sa batas-trapiko.


Dahil dito ay inaasahang walang humpay na panghuhuli ang isasagawa ng kanilang mga traffic enforcer dahil sa target nilang makakolekta umano ang ahensiya ng tumataginting na P230 milyon mula sa mga pasaway na motorista.


Ang panggagalaiting ito ni Enrile ay umani ng positibong reaksyon mula sa mga motorista nang kuwestiyunin nito sa kanyang lingguhang programa sa telebisyon ang pagtatakda ng MMDA ng performance target laban sa mga traffic violators.


Sa halip nga naman kasi na tutukan kung paano mapabababa ang bilang ng mga pasaway na motorista ay ang pagtutok sa target collection ang nasa isip ng mga opisyal ng MMDA.


Kinukuwestiyon din ni Enrile kung bakit kailangan ng target, kung may violator nga naman ay dapat na hulihin upang papanagutin sa kanyang pagkakamali at hindi dahil naghahabol sa quota.


Totoo kasi na kapag umiral ang ganitong sistema ng MMDA ay wala ng ibang gagawin ang kanilang mga enforcer kundi ang manghuli nang manghuli kahit walang violation.


Isa pa ay tama rin naman na hindi revenue agency ang MMDA kaya hindi dapat ang target collection ang inaatupag kundi ang maisaayos ang daloy ng trapiko sa Metro Manila at bahagi lang ang panghuhuli.


Kaya ko ito isinulat kasi taumbayan na ang apektado rito, mga motorista at kaawa-awa nating mga ‘kagulong’ na karamihan ay sinasagupa ang sama ng panahon para lamang kumita tapos ay pupuwersahin lang ng MMDA dahil sa naghahabol sa quota.


Higit sa lahat ay taliwas ito sa napagkasunduan ng mga alkalde na bababaan pa ang penalty sa traffic violation kung saan dumalo pa ang pamunuan ng MMDA na sala pala sa lamig at sala sa init.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page