top of page
Search
  • BULGAR

ML:BB competition ng Adobo Esports, upakan ng 16 teams

ni Gerard Arce - @Sports | August 6, 2020




Pahinga muna pansamantala sa paggawa ng mga malikhain at naiibang kampanya sa mundo ng advertising ang mga mahuhusay na ahensya nito sa Pilipinas – dahil susubukan muna nilang magplano kung paano dadaigin ang mga kalaban sa online gaming.


Isang naiibang bakbakan ang lalahukan ng 16 na kilalang advertising agencies sa bansa sa paglahok ng mga representante nito sa first-ever inter-agency online gaming tournament Esports.


Makikipagtagisan ng galing pagdating sa kinalilibangang Mobile Legends: Bang Bang ang mga manlalaro buhat sa mga dekalibreng advertising agencies para masubukan ang kanilang team work, diskarte at maayos na pagpaplano upang kilalanin bilang kauna-unahang kampeon ng Adobo-Esports Season 1: Mobile Legends Mythical Bowl na magsisimula ngayong gabi, Huwebes, Agosto 6 hanggang Setyembre 1.


Ang 16-teams na maglalaban-laban ay magmumula sa Ace Saatchi & Saatchi, AdSpark, BBDO Guerrero, DDB Philippines, Dentsu Jayme Syfu, GIGIL, IPG Mediabrands, McCann World Group Philippines, MullenLowe Philippines, NuWorks Interactive Labs, Inc., Ogilvy, Propel Manila, Publicis Jimenez Basic, TBWA\Santiago Mangada Puno, VMLY&R at Wunderman Thompson Philippines.


Bubuuuin ang bawat koponan na walong, lima rito ang sasalang, habang tatlo ay magiging substitute. Magtatapat ang bawat koponan sa isang 5v5 tournament na hahatiin sa apat na sangay na mayroong tig-aapat na koponan.


Masusubukan ang husay ng mga ito sa single round robin match, kung saan ang top 2 teams ay magkakaroon ng pagkakataon para umabante sa Mythical Bowl playoffs. Ang dalawang bottom 2 naman ay mabibigyan pa rin ng tsansa na sumabak sa lower bracket para sa Mythical Saucer.


Ang nalalabing manlalaro sa Mythical Bowl playoffs ay magtatapatan sa best-of-three single elimination hanggang sa may isang tanghaling kampeon bilang Adobo Mobile Legends Mythical Bowl.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page