Mitchell ng Cavs bumida sa Paris Game, Bucks nanambak
- BULGAR
- Jan 14, 2024
- 1 min read
ni Anthony Servinio @Sports | January 13, 2024

Photo: Cleveland Cavaliers / Fb
Lumiyab sa 4th quarter si Donovan Mitchell upang talunin ng Cleveland Cavaliers ang Brooklyn Nets, 111-102, sa NBA Paris Game 2024 kahapon mula sa Accor Arena. Sa Amerika, pinalasap ng Milwaukee Bucks sa numero unong Boston Celtics ang 135-102 tambakan.
Kontrolado ng Cavs ang buong laro at lumaki sa 60-34 ang agwat sa third quarter matapos ang buslo ni Mitchell. Nag-reserba siya ng lakas at bumuhos ng 21 ng kanyang kabuuang 45 puntos sa huling quarter upang mapigil ang mga banta ng Nets at mag-iwan ng magandang alaala sa mga tagahangang Pranses.
Humugot ang Bucks mula sa malupit na shooting nina Giannis Antetokounmpo na may 24 at Damian Lillard na may 21 at hindi na sila pinasok sa 4th quarter na nagsimula na 111-70. Namuno sa Bucks si Bobby Portis na may 28 at umakyat sa 26-12 subalit tatlong laro pa ang hahabulin sa Boston na nangunguna pa rin sa 29-9.
Pinutol ng Dallas Mavericks ang 5 sunod na tagumpay ng New York Knicks, 128-124.
Tinakpan ni Kyrie Irving ang pagliban ni Luka Doncic at bumira ng 44 puntos habang 32 si Tim Hardaway Jr. kasama ang tig-2 paniguradong free throw sa huling 11 segundo.
Tambakan din ang Oklahoma City Thunder kontra Portland Trail Blazers, 139-77. Ito ang pangatlong sunod na panalo ng OKC na pinangunahan ni Shai Gilgeous-Alexander na may 31 at triple double si Josh Giddey na 13 puntos.
Samantala, walang pagbabago sa pangalawang bilangan ng online boto para sa 2024 NBA All-Star. Numero uno pa rin sa lahat si Giannis na may 3,475,698 habang si LeBron James ang nasa taas ng West na may 3,096,031.








Comments