Mitchell, Gordon, Paul at McCollum, mga astig!
- BULGAR
- Mar 21, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 21, 2021

Bumalik sa panalo ang numero unong Utah Jazz at nakapulot ng mahalagang 115-112 panalo sa Toronto Raptors sa NBA kahapon sa Amalie Arena sa Tampa, Florida. Mag-isang ibinura ni Donovan Mitchell ang 110-105 lamang ng Raptors sa huling 1:36 para maging unang koponan na umabot ng 30 tagumpay.
Gumawa ng anim na sunod-sunod na puntos si Mitchell at kahit pinutol ito ng huling hirit ni Pascal Siakam na may anim na segunod sa orasan, 112-113, sinagot ito ng dalawang free throw ni Mike Conley Jr. para masigurado ang panalo. Nanguna si Mitchell na may 31 puntos.
Balik sa solong liderato ang Philadelphia 76ers sa Eastern Conference matapos gulatin ng Orlando Magic ang dating kasosyo na Brooklyn Nets, 121-113. Uminit si Aaron Gordon para sa 38 puntos.
Kahit wala si Stephen Curry ay inangat ng Golden State Warriors ang laro at binigo ang Memphis Grizzlies, 116-103. Nagtapos na may 40 puntos si Andrew Wiggins habang may 25 si Jordan Poole bilang kapalit ni Curry na na-injured sa gulugod noong huling laro nila kontra sa Houston Rockets.
Pinarusahan ng kulelat ng East Detroit Pistons ang Rockets na lumubog sa kanilang ika-19 sunod na talo, 113-100. Namuno si guard Frank Jackson sa kanyang 23 puntos. Wagi ang Denver Nuggets sa Chicago Bulls sa overtime, 131-127. Nagsumite ng 34 puntos at 15 rebound si Nikola Jokic at 34 din si Jamal Murray.
Siniguro ng Portland Trail Blazers na hindi sila matatalo ng dalawang sunod sa kulelat na Minnesota Timberwolves, 113-101, at manatiling pangatlo sa West. Nagbagsak ng 20 puntos si Chris Paul. Balik sa porma si CJ McCollum at pumukol ng pitong tres para buhatin ang Portland Trail Blazers sa Dallas Mavericks, 125-119. Ito ang pangatlong laro ni McCollum matapos mawala ng 25 laro dahil napilay ang paa at nagtapos na may 32 puntos habang 31 si Damian Lillard.
Itinapal ng Sacramento Kings ang isa pang pagkabigo sa naghihingalong Boston Celtics, 107-96. Sa ibang mga laro, wagi ang San Antonio Spurs sa Cleveland Cavaliers, 116-110. Ibinaon ng bisitang Indiana Pacers ang Miami Heat, 137-110.




Comments