top of page
Gary V. - IG.jpg

Misyon sa WPS, ligtas at payapang natapos

Writer: BULGAR
BULGAR
May 20, 2024
3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 20, 2024



Fr. Robert Reyes


Kulang-kulang apatnapu’t walong oras o dalawang araw kami sa dagat. Mag-iika-7 ng umaga noong Mayo 15 nang maglayag ang limang pangulong (malalaking bangkang pangisda) at halos 50 maliliit na bangka na may lulang tig-dalawang pasahero o isang daang mangingisda patungong Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc na bahagi ng West Philippine Sea.


Mayroong matandang pangalan ang lugar na ito sa mga mangingisda. ‘Panatag’ ang tawag nila sa lugar na ito dahil sa likas na tahimik, panatag at ligtas na kalagayan ng mga tubig sa paligid ng naturang isla. 


“Tuwing masama ang panahon, lalo na kung may bagyo, alam ng mga mangingisda na ligtas sila kapag sila ay tumungo sa pampang ng Panatag. Kaya nga tinawag na Panatag ng mga mangingisda ang naturang isla,” paliwanag ni Ka Nards Cuaresma, pinuno ng New Masinloc Fishermen Association. 


Ito nga lang ang malungkot at mabigat na problema ng ating maliliit na mangingisda sa Masinloc, Zambales. Dahil patuloy na sinasakop ng mga Tsino ng People’s Republic ng China ang malaking bahagi ng ating exclusive economic zone o ng WPS, tatlo ang unti-unting nawawala sa kanila.


Una, nawawala ang silungan at taguan ng maliliit na bangkang pangisda tuwing may bagyo. Pangalawa, nawawala o nababawasan ng malaki ang dating malawak na pangisdaan ng ating mga mangingisda. 


At pangatlo, parang itinuturing silang mga tulisan sa sarili nilang karagatan ng mga barkong Tsino na patuloy na nanggigipit at umaagaw ng hindi sa kanila.


Kaya ang katatapos lamang na “Second Civilian Mission” to the West Philippine Sea, sa bandang Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc o Panatag) ay higit sa lahat tungkol sa nangyayari sa buhay at kabuhayan ng ating maliliit na mangingisda. Parang tago, hindi nakikita’t napapansin sila dahil sa layo at kakaibang kapaligirang kinikilusan nila. 


At para sa mga taga-lungsod na sanay kumain ng isda na hindi nagtatanong sino, paano at saan hinuli ang mga ito, hindi kilala at tila hindi kinikilala ang mga mangingisda.


Ngunit, kasa-kasama namin ang mga ito. Sila ang mga pahinante, mangingisda at mga ekspertong marinong nagpapatakbo ng aming mga sinasakyang bangka. At totoo din namang silang ang konkretong kumakatawan sa ating lahat na isinisigaw ang, “West Philippine Sea, Atin Ito!” Sila ang ating mga tahimik na saksi na humaharap sa panggigipit at pambu-bully ng China.


Nang sumakay na kami sa unang barko na ang pangalan ay “Bing Bing,” ang una naming ginawa ay maglagay ng altar sa harapan ng pangulong para ilagay at itali ang imahe ni Maria, Tala ng Karagatan. Pinagpatong namin ang dalawang plastik na lalagyan ng isda at sa ibabaw, itinali namin ang imahe ni Maria, Tala ng Karagatan.


Maaalala na noong hapon ng Mayo 14, 2024, sa misa sa simula ng misyon, binasbasan ang imahe ni Maria, Tala ng Karagatan at ang 51 medalya ni Maria, Birheng Milagrosa.

Sa buong biyahe ng mga pangulong at mga bangka, patuloy na natunghayan namin ang istatwa ni Maria at nag-alay ng mga panalangin sa kanya at kay Hesus na kanyang anak para panatilihin kaming ligtas at malayo sa kapahamakan hanggang matapos ang aming misyon. 


Salamat kay Maria at sa kabila ng maraming mga barkong Tsino na pilit na hinaharang ang aming pagtungo sa teritoryo at katubigan na tunay namang sa atin, walang anumang nangyari sa amin. 


Maraming pagtitiis kaming ginawa dahil hindi sanay sa dagat ang karamihan. Hinati ko nga ang aking mga kasama sa pangulong sa tatlo: ang SK, HK at ang mga Imortal. Ang SK ay ang mga kasapi ng Suka Klub na ilang ulit sumuka. Ang HK ang mga ilang ulit na nahilo at ang mga imortal ay ang hindi nahilo o sumuka.


Noong Mayo 13, bago pa pormal na simulan ang aming misyon, nauna na ang isang maliit na bangka na may 12 tauhan at ilang toneladang mga ayudang gasolina, krudo, pagkain at iba pa para sa mga mangingisda. Binantayan at hinarang kami ng mga barkong Tsino, ngunit hindi nila napansin ang maliit at tahimik na bangka na dumiretso sa Panatag. At sa isang punto, nagdatingan ang maliliit na bangka upang tumanggap ng ayuda sa ating mga naunang kasama.


“Mission accomplished,” pahayag ni Rafaela David, presidente ng partidong Akbayan. 

Naroroon kaming lahat upang saksihan kung paano ipinakita ng ilang mga mamamayan ang kahandaang magsakripisyo at ialay ang lahat para sa Inang Bayan.


Habang tahimik ang Panatag, dumating ang mga maliliit at ordinaryong mamamayan upang ipahayag at panindigan sa lahat, lalo na sa ating mananakop na, “Atin ito! Atin ito! Atin ito!”


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page