top of page
Search
  • BULGAR

Mister na puro toma at barkada, dapat balikan dahil sa compatibility


ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 18, 2022



Dear Maestro,


Matagal na akong namasukan bilang katulong para mapag-aral nang maayos at mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking mga anak. Napakatamad kasi ng napangasawa ko, lasenggo, puro barkada at iresponsable, kaya kaysa pilitin ko siyang magtrabaho na madalas naming pag-awayan, ako na lang ang gumawa ng paraan at namasukan bilang katulong at naitaguyod ko naman ang aming mga anak at ngayon ay may kani-kanya na silang trabaho.


Naisipan kong sumangguni dahil nakikipagbalikan sa akin ang mister ko, dapat ko pa ba siyang tanggapin? May trabaho na siya ngayon, pero wala pa rin siyang asawa at mukhang nagbago na siya.


Mahal niya pa rin daw ako at kapag nagkabalikan kami, magiging mabuting asawa at ama na raw siya. Dapat ko ba siyang tanggapin upang mabuong muli ang aming pamilya, gayundin, compatible ba kami at kapag tinanggap ko siya muli, magiging maligaya na ba kami?


November 26, 1973 ang birthday ko at August 7, 1970 naman ang mister ko.


Umaasa,


Bianca ng Santo Niño, Ibaan, Batangas

Dear Bianca,


Tugma at compatible naman ang zodiac sign mong Sagittarius at Leo naman ang mister mo.


Dahil ang Leo at Sagittarius ay may iisang elementong tinataglay at ito ay ang elementong fire o apoy. Ganundin ang birth date mong 26 o 8 (ang 26 ay 2+6=8) na isang strong number ay compatible rin sa weak number na 7, na siyang birth date ng mister mo. Ibig sabihin, sa pag-aanalisang Astro-Numerology, walang nakikitang problema o hadlang sa inyong pagbabalikan dahil tulad ng naipaliwanag na, tugma naman ang inyong zodiac sign at mga numero.


Kaya kung sadyang nagbago na talaga, naging masipag, may matatag na trabaho, hindi na umiinom at iwas na rin sa mga barkada si mister, dahil napapansin niyang dapat siyang magpakatino, gayundin, napapansin niyang nagkakaedad at tumatanda na rin siya at alang-alang sa kanyang mga anak at asawa, tanggapin mo na siya upang muling mabuo at maging maligaya ang inyong pamilya.


Kung muli mo siyang tatanggapin, mangyayari sa inyong relasyon ang dati at palasak na kasabihang, “Sa ikalawang pagniniig, higit na nagiging matamis ang pag-ibig”.


Kaya magbati na kayo ngayon at tanggapin mo na ang iyong dating makamundong mister, ngunit nagpakatino na ngayon upang muling mabuo at habambuhay nang maging maligaya ang inyong pamilya.


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page