Mister na dapat maghawak ng pera at magpatakbo ng negosyo dahil mas marunong kesa sa misis
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 30, 2021

KATANUNGAN
Nagbabalak kaming magnegosyo ng misis ko sa 2022. Ano’ng produkto ang mairerekomenda n’yo at ano’ng buwan kami dapat magsimula? Sino ba sa aming dalawa ang mas masuwerte sa negosyo? November 10, 1985 ang birthday ng misis ko habang June 23, 1983 naman ako.
Tungkol naman sa guhit ng aming mga palad, sino ang dapat mag-manage at humawak ng pera? Napansin ko kasing nahulog sa pagitan ng mga daliri ng misis ko ang Fate Line na sinasabi n’yo, samantalang ang sa akin ay nanatili sa pinakailalim ng pang-gitnang daliri.
Kaya ang iniisip ko, mas mahusay ako sa kanyang humawak ng pera dahil noong nasa abroad ako, puro gastos at utang ang inabot ng aming pamilya, kaya ngayon, medyo nililimitahan ko na siyang humawak ng pera. Tama ba ang ginagawa kong ito at darating din ba ang panahong yayaman kami, kung oo ang inyong sagot, kailan naman ito mangyayari?
KASAGUTAN
Kapag “sloping Head Line” (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, tulad ng nasa misis mo, tama ka, Aldryn, mahihirapan nga silang makaipon at magkamal ng maraming salapi dahil iba ang takbo ng isipan nila kung ikukumpara sa isang taong nagtataglay ng straight o maikli at tuwid na Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanang palad.
Ang mga taong may straight at maikling Head Line (arrow b.) na tulad mo ay may pagka-praktikal, matalino sa larangan ng materyal na bagay at sadyang mapagmahal sa mga bagay na nahahawakan. Ibig sabihin, sila ang taong halos puro salapi at materyal na bagay ang iniisip at ang pinag-uukulan ng panahon ay kung paano magkakapera o paano darami pa ang dati na nilang hawak na pera. Sa ganyang paglalarawan, tulad ng naipaliwanag na, Head Line pa lang ang ating sinusuri sa ipinadala n’yong larawan ng palad n’yo ni misis, pasado na agad ang iyong teorya na ikaw ang mas mahusay magpatakbo ng inyong kabuhayan. At upang yumaman, tama ka, ikaw ang dapat mag-manage ng lahat ng gawaing may kaugnayan sa salapi at iba pang materyal na bagay sa inyong pamilya.
Hinggil naman sa nahulog na Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) sa kaliwa at kanang palad ni misis, ibig sabihin, kung halimbawa namang mayaman na kayo ngayon o yumaman na kayo, wala nang gagawin si misis kundi ang magpasarap sa buhay at magwaldas ng inipon n’yong salapi. Habang ikaw naman, dahil ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad ay nananatili sa ilalim ng daliri o sa Bundok ng Saturno (arrow d.) sa kabila ng katotohanang mayaman o yumaman na kayo, patuloy ka pa rin sa pagsisikap at pag-iisip ng mga paraan at diskarte kung paano pa kayo lalong yayaman at magkakamal ng mas marami pang malalaking halaga. Kumbaga, magiging ganid ka na sa kayamanan dahil mararamdaman mo ang sarap ng buhay ng maraming pera at pusturang mayaman. Kaya kahit mayaman ka na, lalo ka pang magpapayaman, habang sa panahong ‘yun, si misis naman ay pabandying-bandying lang, papunta-punta sa kanyang mga amiga, pa-abroad-abroad at nagpapasarap na lang sa buhay, kung ikukumpara sa iyo, mayaman na kayo nagkakandakuba ka pa rin sa pagtatrabaho at paghahanapbuhay upang hindi man maubos ay lalong madagdagan ang inyong kayamanan.
MGA DAPAT GAWIN
Minsan, parang tama ang sinasabi nilang, “Ang kaligayahan ay nasa isip lang!” Maraming mag-asawa na ubod ng yaman, pero wala pa ring tigil sa pagtatrabaho at ang ikinikilos ay patuloy na pagkakamal ng mas marami pang salapi sa halos araw-araw na ginawa ng Diyos. Maitatanong mo na, “Maligaya kaya sila sa ginawa nilang ito?” ‘Yun namang mag-asawa na tauhan namin sa bukid, iniraos ang pananghalian sa ilalim ng sampalok na inihaw na tilapia lang ang ulam, pinigang kamatis at mangga, at pagkatapos kumain ay humilata na sa kawayang papag, tila satisfied at maligayang-maligaya na sila sa kanilang buhay.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Aldryn, kahit ano’ng uri pa ng produkto ang simulan n’yong mag-asawa sa darating na taong 2022 o 2023 at kahit ano’ng buwan pa kayo magsimula, basta’t ikaw ang hahawak ng pera at magma-manage ng inyong negosyo, walang mintis dahil sa sobrang ganda ng guhit sa kaliwa at kanan mong palad, limang taon mula ngayon, tiyak ang magaganap – ang kabuhayan n’yo ay tuloy-tuloy na uunlad, hanggang kayo ay tunay na yumaman.




Comments