Mister na 3 beses makakapag-abroad at yayaman
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 12, 2022
Dear Maestro,
Nagtatrabaho ako sa isang construction company, pero maliit lang ang aking suweldo, kaya kulang na kulang sa pangangailangan ng aking pamilya. Balak kong mag-apply sa abroad, kaya naisipan kong sumangguni sa inyo. Nais kong malaman kung may pag-asa ba akong makapagtrabaho sa ibang bansa kahit second year college lang ang tinapos ko sa kursong engineering?
Gusto kong mag-abroad upang magkaroon kami ng sariling bahay dahil nangungupahan lang kami ngayon. Gayundin, gusto kong mabigyan ng magandang buhay ang aking pamilya at mapagtapos sa pag-aaral ang aking mga anak. Matutupad ba ang pangarap kong ito na makapag-abroad at mabigyan ng magandang buhay ang aking pamilya? July 2, 1986 ang birthday ko.
Umaasa,
Sam ng Tambo, Parañaque City
Dear Sam,
Ang birth date mong 2 sa destiny number na 6 (7+2+1986=1995/ 19+95=114/ 11+4=15/ 1+5=6) at sa zodiac sign na Cancer, ay nagsasabing likas kang matalino. Dahil sa katalinuhang ito, kahit hindi ka nakatapos ng iyong kursong engineering, tiyak na darating ang panahong matutupad mo ang lahat ng mga pangarap mo para sa iyong pamilya.
Gayundin, nakatakda kang makapag-abroad nang dalawa hanggang tatlong beses sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang una mong pangingibang-bansa ay maaaring maganap sa Middle East, ang susunod ay sa U.S., at ang ikatlo ay posibleng mangyari sa Canada. Tulad ng nasabi na, ang lahat ng ito ay magagawa mo dahil sa kasalukuyan mong trabaho o propesyon, hanggang sa huli ay makabili ka ng sarili mong lupa at makapagpagawa ng simpleng bahay na matatawag n’yong sarili n’yo na.
Lilipas ang ilan pang panahon, tulad ng nasabi na, sa ikalawang pagkakataon, muli kang makakapag-abroad at makakaipon ng kaunting pera, ngunit ang pera na maiipon ay maaari mong gamitin upang makapag-abroad kang muli.
Sa ikatlong pag-a-abroad, saanmang bansa ang nais mong puntahan, tulad ng nasabi na, ru’n ka na aasenso. Ang naturang pag-a-abroad na nabanggit, sa isang bansa na maaaring sa Canada o sa bansa na sakop ng Europa, tiyak na mapepetisyon mo ang iyong mag-anak, at sa paglakad pa ng ilang taon, masaya at sama-sama na kayong titira sa nasabing bansa.
Ito ay siguradong mangyayari, higit lalo kung ang iyong misis ay isinilang sa zodiac sign na Taurus o Virgo, at ang lahat ng nabanggit na pag-aanalisa ay isa-isa nang matutupad sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 37 pataas.




Comments