Mister, ‘di na makakabalikan dahil ka-compatible ang biyudong manliligaw
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 15, 2022
Dear Maestro,
Hiwalay ako sa asawa at dalawang taon na ang nakakaraan. Gusto kong malaman kung magkakabalikan pa ba kami? Ipinanganak ako noong July 7, 1985, habang December 12, 1979 naman ang birthday ng mister ko.
May nanliligaw sa akin at sa totoo lang, balak ko na siyang sagutin. Ang problema, gusto ng mister ko na magkabalikan kami, pero ayaw ko na sa kanya at ayaw na rin sa kanya ng mga anak namin dahil nananakit at nambubugbog talaga siya kapag nalalasing. Habang ‘yung manliligaw ko ay biyudo na isinilang noong March 16, 1976 at botong-boto naman sa kanya ang mga anak ko, gayundin ang aking mga magulang dahil matagal na namin siyang kilala at mabait talaga siya sa akin, gayundin sa mga bata.
Kami na ba ang magsasama habambuhay kung sakaling hindi na kami magkakabalikan ng mister ko? Gusto ko rin kasing may makasama at magkaroon ng tahimik at masayang pamilya.
Umaasa,
Annabelle ng San Buena, Buhi, Camarines Sur
Dear Annabelle,
Ayon sa Astro-Numerology na pag-aanalisa, higit mong ka-compatible ang kasalukuyan mong manliligaw na isinilang noong March 16, 1976, na isang Pisces kaysa sa asawa mong Sagittarius, sapagkat higit na tugma o suweto ang pagsasama ng Pisces at Cancer na tulad mo.
Ito ay dahil ang Cancer at Pisces ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong water o tubig, kaya masasabing compatible talaga kayo ng manliligaw mong biyudo.
Kaya kung boto naman ang iyong mga anak sa kasalukuyan mong manliligaw at nagkataong mahal mo rin naman siya at ang nakakatuwa pa ay compatible kayo sa Astro-Numerology na pag-aanalisa, dahil ang birth date mong 7 at nagkataong 7 rin ang birth date niya (dahil ang 16 ay 1+6=7) ay tugma kayo sa isa’t isa.
Kung tutuusin, tamang-tama lang kung pipiliin mo siyang samahan upang kahit papaano, ‘ika nga ay may karapatan ka ring makaranas ng tahimik, maayos at maligayang pagpapamilya habambuhay.
Ayon sa iyong Love Calendar, ito ay nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 38 pataas, kung saan sa panahong ‘yun, maiisip din ng iyong mister na hindi na talaga kayo ang para sa isa’t isa, kaya papayagan ka na niyang makisama sa ibang lalaki, habang siya naman ay maghahanap na ng ibang babae na isinilang sa zodiac sign na Aries, na mas katugma at angkop sa kanya na makakasama niya habambuhay.




Comments