Misis na Virgo, mas susuwertehin kesa sa asawang Taurus kung matutuloy ang paghihiwalay
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 11, 2022
Dear Maestro,
Wala kaming komunikasyon ng asawa ko at nasa ibang bansa siya ngayon. Dalawang beses na siyang umuuwi at tumutuloy siya sa mga magulang niya at nang magkita kami, gusto niyang makipaghiwalay dahil balita ko ay nasusulsulan siya ng mga kaanak niya.
Maestro, mahal na mahal ko ang asawa ko, ano ang dapat kong gawin, gayundin, ano ang masasabi n’yo sa birthday namin? September 5, 1983 ang birthday ko at ang asawa ko naman ay April 24, 1982.
Umaasa,
Lovely ng Sta. Monica, Novaliches, Quezon City
Dear Lovely,
Kung ayaw na sa iyo ng iyong mister, pabayaan mo na siya. Sa halip, mag-negosyo ka at magpayaman mag-isa, kumbaga, ipakita mo na kahit wala siya, susuwertehin, yayaman at magiging maligaya ka pa rin.
‘Yun naman talaga ang mangyayari dahil ang birth date mong 5, sa destiny number na 8 (9+5+1983=1997/ 19+97=116/ 11+6=17/ 1+7=8) at sa zodiac sign na Virgo ay nagsasabing susuwertehin ka sa negosyo o makapag-aasawa ka ng mayaman. Puwede ring makapag-abroad ka o ang anak mo ay magiging successful at ‘yun ang magiging simula ng inyong pag-unlad.
Ang hindi alam ng asawa mo, tulad ng naipaliwanag na, ikaw ang suwerte sa kanya, partikular ang numero mong 5 at zodiac sign mong Virgo. Kaya kapag tuluyan kayong naghiwalay o pinakawalan ka niya, hindi naman dahil sa isang sumpa o kulam, ngunit posibleng unti-unting pumangit ang kanyang kapalaran. At ‘yun ang hindi niya alam, dahil sa aktuwal na pangyayari, sa Taurus na tulad niya, ang suwerte sa kanila ay ang Virgo na tulad mo. Habang para sa isang Virgo, ang suwerte bukod sa Taurus at Libra ay Capricorn, lalo na silang may mga birth date na 5, 14 at 23, na tulad ng birth date mong 5.
Gayunman, patuloy ding gaganda ang buhay ng iyong mister kung sa muli niyang pag-aasawa, ang kanyang makakasama ay isang Virgo o Capricorn na may birth date na 5, 14 at 23.
Sa madaling salita, ngayon pa lang, kahit mahal mo ang iyong asawa, ihanda mo na ang iyong sarili sa panahon ng pag-iisa, na siguradong kayang-kaya mo naman dahil magagawa mong magpayaman sa pamamagitan ng sarili mong diskate.
Dahil dito, mag-iisip ka ng mga pagkakakitaan, partikular ang mga tinatawag “finished products”. Ibig sabihin, puwedeng humango ka ng mga produkto sa isang kumpanya, habang ikaw naman ang magtitingi o magre-retail sa maliit na tindahan.
Puwede rin ang pagdi-dealer, halimbawa ang pagdi-dealer ng iba’t ibang klase ng softdrinks at alak. Kumbaga, dinadalhan sila ng kumpanya, habang sila naman ang nagdi-distribute ng mga produktong ito sa tindahan. Mayroon ding nagdi-dealer ng mga sabon, mantika, shampoo at kung anu-ano pa. Tulad ng nabanggit, sa ganu’ng istilo ng negosyo ka yayaman.
Ang isa pang puwedeng negosyo sa iyo ay ang maliit na tindahan ng pagkain sa gilid ng mga naglalakihang building sa Makati at iba pang business center sa Quezon City at iba pang siyudad.
Ang pangkaraniwang diskarte r’yan ay may isang tao na umaakyat sa mga building upang kuhanin ang mga order sa pananghalian sa murang halaga. Pagdating ng pananghalian, aakyat ulit sila sa mga building upang i-deliver ang pagkain.
Sa ganyang istilo ng mga negosyo ka yayaman at kapag nagawa mo ang alinman sa kumbinasyon ng negosyong nabanggit, tulad ng naipaliwanag na, lilipas ang lima hanggang pitong taon pa, kahit hiwalay na kayo ng iyong asawa, at siya ay patuloy na nag-a-abroad, magugulat pa siya dahil sa birth date mong 5, sa destiny number na 8 at zodiac sign na Virgo, mas magiging mayaman ka sa kanya, na nakatakdang mangyari at maganap sa taong 2027 hanggang 2028, sa edad mong 44 pataas.




Comments