Misis na suwerte sa pag-a-abroad, dapat tumuloy kahit tutol ang asawa
- BULGAR
- Jan 3, 2022
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | January 03, 2022

KATANUNGAN
Gusto kong mag-abroad, pero bukod sa pinanghihinaan ako ng loob, ayaw akong payagan ng mister ko dahil sabi niya, baka kung mapano ako sa ibang bansa, lalo na sa panahong ito mayroon pa ring pandemya.
Ang problema sa mister ko, minsan lang siya makakuha ng trabaho sa isang linggo. Isa kasi siyang karpintero kaya ‘pag walang tumatawag sa kanya, mahina ang kita, kaya para makaraos ay nangungutang na lang ako sa mga kamag-anak at kaibigan ko. Lima ang anak namin at ang pagkakarpintero lang ng mister ko ang aming inaasahan.
Nakapag-aral naman ako ng college, pero hindi naman ako makapasok sa mga local company at medyo maliit lang din ang offer. Kaya ngayon, balak kong tanggapin ang alok ng kapatid ko na DH sa Hong Kong. Naghahanap siya ng isa pang makakasama sa bahay ang kanyang amo at kung gusto ko ay puwede niya raw akong irekomenda.
Gusto kong malaman, Maestro, kung may maganda ba akong Travel Line upang hindi na mag-alala ang mister ko kung sakaling matuloy ako sa ibang bansa?
KASAGUTAN
Kung ayaw kang payagan ng mister mo na mag-abroad, siya ang kumbinsihin mong mangibang-bansa upang mairaos ang kinabukasan ng inyong mga anak.
Ituloy mo ang planong pangingibang-bansa, ito ang nais sabihin ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Sapagkat ang nasabing guhit ay may pangako ng isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na madali namang kinumpirma ng birth date mong 5.
Kaso lang, dahil nasa neutral number ang singko (5) o nasa pagitan ng mga numero, kaya alanganing “strong” at “weak number”, may pagdadalawang-isip ka pa. Naging neutral number ang five o puwedeng magpaka-strong at manatiling weak, dahil kapag nagbilang ka ng 1, 2, 3 at 4, 5 ang kasunod, sa kabilang pangkat naman ay ang 6, 7, 8, 9. Ibig sabihin nasa gitna ng dalawang bilang na 1, 2, 3, 4 at 6, 7, 8, 9 ang numerong 5.
Ito ay patunay lamang na hindi niya malaman kung strong o weak number siya na matatawag. Gayunman, ‘wag mo nang intindihin ‘yun, sa halip, ang mas mahalaga ay ituloy mo ang iyong plano. Sapagkat ang iyong lagda na maayos namang isinulat sa papel ang nagsasabing, anuman ang balakin mo sa panahong ito ng iyong buhay at tumuntong ka na sa edad na 34, tiyak na magkakaroon ng isa-isang magaganda at positibong katuparan ang iyong mga pangarap sa buhay.
MGA DAPAT GAWIN
Sadyang mahirap magpalaki ng mga anak, lalo’t papangarapin mong pag-aralin at pagtapusin sila ng kolehiyo. Ang una mong maiisip, ngayong elementary pa lang sila ay nagkakandakuba ka na sa paghahanap ng baon, kapag nag-high school at college pa sila, lalo kang mahihilo kung saan ka kukuha ng pang-matrikula.
Kaya mapalad ang mga estudyanteng nagsisikap na makatapos ng kolehiyo sa kabila ng mahirap na buhay ng kanilang pamilya, ngunit sa sandali namang nakatapos, higit na mapalad ang nagsakripisyo at nagtiis na mga magulang na makitang nagkaroon ng diploma sa kolehiyo ang kanilang anak at dahil nakatapos ng kolehiyo ay nakatagpo ng isang maganda pagkakakitaan o trabaho.
Malas naman ang mga magulang na maraming pera na nagawa ngang pag-aralin ang mga anak, ngunit nang matapos mag-aral ay nagsipag-asawa at nang magkaroon ng kani-kanyang pamilya ay sa magulang na naman sumandal at umasa.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Abigail, ituloy mo lang ang binabalak mong pag-a-abroad, sapagkat sa taong ito ng 2022, sigurado na ang magaganap – matutuloy ka sa pangingibang-bansa at ito na rin ang magiging simula upang mapag-aral sa kolehiyo at mabigyan mo ng magandang kinabukasan ang iyong mga anak.




Comments